February 12, 2024

Alinsunod sa patuloy na pagtutok ng kasalukuyang administrasyon sa sektor ng agrikultura, nagbigay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng pagsasanay sa mahigit sa 56,000 na mga magsasaka at kanilang pamilya noong 2023.

Ayon kay TESDA Secretary Suharto T. Mangudadatu, nasa kabuuang bilang na 56,654 na mga magsasaka at kanilang mga kasapi sa pamilya ang nagtapos ng iba't ibang kurso na may kaugnayan sa agrikultura na inaalok ng ahensya sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund - Rice Extension Services Program (RCEF-RESP) scholarship program.

Ang Rehiyon III, na may 6,973 graduates, ang may pinakamaraming bilang ng mga nagtapos noong 2023. Sinundan ito ng Rehiyon X na may 5, 247 graduates at Rehiyon II na may 4,810 graduates.

"Noong mga nakaraang taon, itinataguyod namin ang sektor ng agrikultura sa pagbibigay ng mga programa ng pagsasanay dahil naniniwala kami na ito ay maaring makatulong sa ating bansa na makamit ang seguridad sa pagkain at sariling kakayahan," Ani Secretary Mangudadatu.

"Ang tagumpay na ito ay hindi lamang dahil sa taas ng numero ng mga nagsipagtapos. Ito ay nagpapahiwatig ng isang positibong pagbabago patungo sa isang mas matatag at maunlad na sektor ng agrikultura. Gamit ang mga kasanayan at edukasyon ng ating mga magsasaka, patuloy na sumusulong ang pundasyon ng mas magandang kinabukasan para sa ating bansa," dagdag pa niya.

Bukod dito, hinihikayat din ni Secretary Mangudadatu ang bawat Pilipino na mag-enroll sa iba't ibang kurso na inaalok ng TESDA sa ilalim ng RCEF-RESP.

"Pinapaalalahanan ko ang ating mga kababayan na mag-enroll sa mga kursong may kaugnayan sa agrikultura upang mas mapalakas pa ang produksyon ng kanilang pananim pati na rin ang kanilang mga kasanayan. Sa gabay at pagtuturo ng tamang mga teknik, tiyak nating magkakaroon ng mas mabuting kalusugan ang ating mga pananim at magkakaroon ng pagtaas sa ani," dagdag pa ng Punong TESDA.

Nagtuturo ang TESDA sa mga magsasaka bilang bahagi ng implementasyon nito sa Republic Act 11203, o ang Rice Liberalization Act.

Ang inisyatibong RCEF-RESP ay may mahalagang papel sa paghahanda ng mga magsasaka ng bansa ng mga esensyal na kasanayan, mula sa modernong pamamaraan ng pagsasaka hanggang sa pamamahala ng agribusiness.

Kabilang sa mga kurso ng TESDA sa ilalim ng RCEF-RESP Farm Field School on Production of High-Quality Inbred Rice and Seed Certification and Farm Mechanization, Rice Machinery Operations, Drying and Milling Plant Servicing NC III, Agro-entrepreneurship NC II, Pest and Nutrients Management, and Digital Agriculture Course in the Farm Field School, at marami pang iba.



Responsive image