May 10, 2019

Inihayag ni Technical Education and Skills Development Authority Director General Secretary Isidro S. Lapena na bukas na ang ahensiya sa pagtanggap ng mga nominado para paghahanap ngayong taon ng mga natatanging graduates ng technical education and skills development (TESD) programs.

Ang TESDA Idols 2019 awards, ay nasa ika-10 taon na, sa pagbibigay-kilala sa mga graduates ng TESD programs na naging matagumpay sa kanilang piniling larangan, kurso o trabaho at nakapagbigay ng kontribusyon sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa kanilang lugar.

Ang parangal ay may dalawang katergorya, Self-Employed at Wage-Employed. Ang pagpili ay magsisimula sa provincial level at ang mananalo sa regional level ang siyang makikipagtunggali naman sa national award. Sa national level, ang bawat category ay magkakaroon ng National Winner, 1st Runner-up, at 2nd Runner-up.

Ang mga kuwalipikadong kalahok ay mga TESD graduates na Filipino citizens, nasa 21-anyos, at may natatanging achievements may kinalaman sa kanyang kinuhang propesyon o negosyo sa loob ng may tatlong buwan.

Ang dalawang National Winner ay tatanggap ng Php 25,000 cash prize bawat isa. Ang dalawang 1st Runners-up ay tatanggap ng Php. 20,000 cash prize bawat isa habang ang 2nd Runners-up ay tatanggap naman ng Php15,000 bawat isa.

Magkakaroon din ng mga special award winners para sa Batang TESDA! TESDA Best! at Batang Technopreneur na mag-uuwi naman ng tig-Php 25,000. Samantala, ang bawat regional winners ay tatanggap ng Php 5,000 cash at lahat ng awardees ay tatanggap ng trophies at certificates of recognition.

Ang nominasyon para sa TESDA Idols Search ngayong taon ay tatanggapin hanggang May 31, 2019, sa lahat ng TESDA Provincial Offices. Ang nomination forms ay maaring makuha mula sa nasabing mga tanggapan.

Ipinabatid din ng TESDA sa publiko na ang nakaraang mga nanalo sa nabanggit na mga award ay hindi na kuwalipikadong lumahok sa Search: National and Regional TESDA Idol; TESDA Best!; Batang TESDA; President Ramon Magsaysay Outstanding Filipino Worker (PRMOFW) Award; at Laang Bisig. Ang mga employee ng TESDA at TESDA Technology Institutes at kanilang mga kaanak na hanggang nasa ikatlong antas ay hindi rin kuwalipikado para sa nasabing search o paghahanap.