April 8, 2019
Nagsanib puwersa sina Technical Technical Education and Skills Training Authority (TESDA) Director General Secretary Isidro S. Lapeña at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark A. Villar sa pagpapatupad ng on-site construction training para sa mga construction workers.
Ito ay matapos na lagdaan ng dalawang opisyal ang memorandum of understanding (MOU) nitong Lunes para sa pagsisimula ng on-site skills training sa mga construction workers sa bansa na naglalayon matugunan ang malaking pangangailangan ng mga trabahador para sa Build Build Build projects.
Kung matatandaan, nagpulong sina secretaries Lapeña at Villar noong Marso 5 kung saan pinag-usapan nila ang pagtutulungan upang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng mga manggagawa na kailangan para sa Build Build Build infrastructure projects ng administrasyon.
Kasunod ng nasabing pulong at sa mga naunang Memoranda of Agreement (MOAs) noong Pebrero 2019 at 2006, ang TESDA at DPWH ay nakipagpartner sa Philippine Constructors Association Inc. (PCA) at sa local government units (LGUs) upang lumikha at magpatupad ng free skills training sa DPWH sites upang mapabilis ang pagpapatupad ng Build Build Build projects.
Nakapaloob sa MOU na magiging gawain at obligasyon ng dalawang partido na magpatupad ng Project-based On-site Learning of Skilled Construction Professionals (PPOL SCoP). Ang onsite learning ay makakatulong din sa paglutas sa learning gaps batay sa competency standards na kailangan ng mga construction companies.
Ang PPOL SCoP ay alinsunod sa inilunsad kamakailan na Philippine Construction Industry Roadmap na tinagurian bilang “Tatag at Tapat 2020-2030” nitong March 28.
Ang mga on-site trainings ay mayroong Training Plan na bubuuin ng In-company Trainers/Construction Superintendents /Supervisors/ Foremen/ Lead men; ibabase sa aktuwal na ginagawa sa mga sites; at gagawa ng modelo ng isang on-site delivery mechanism na magpapatupad sa paglilipat ng teknolohiya sa ‘industry on-site learning.
Ang TESDA, DPWH, LGUs, PCA, at ang mga accredited construction companies ang magpapatupad sa nasabing mga skills trainings at maglalaan ng kinakailangang pondo para sa pagsasagawa ng PPOL SCoP. Ang mga Regional at provincial offices ng kapwa TESDA at DPWH ang magpapatupad sa nasabing mga tungkulin na nakasaad sa MOU.
Ang TESDA ang partikular na mangunguna sa pagbuo ng mga training regulations (TRs) at sa implementasyon ng mga construction courses sa mga sites. Sila rin ang magsasagawa ng assessment sa mga accredited trainers para sa construction companies at magkakaloob ng scholarship grants sa mga manggawang gustong kumuha ng on-site trainings. Ang National Certificates matapos ang pagsasanay ay ibibigay ng regional offices.
Sa panig ng DPWH, ito ay makikipagkoordinasyon sa mga construction sites at himukin na pahintulutan nila ang papapatupad ng PPOL SCop. Sila ay makikipagpartner sa LGUs para sa pagkilala sa mga bona fide residents na kailangang I-hire ng construction companies alinsunod sa RA 6685. Dagdag pa dito, tutulong sila sa TESDA sa pagbuo ng learning materials na gagamitin para sa on-site skills trainings.
Kapwa ang TESDA at DPWH ay inaasahang maayos na magtutulungan sa pagsanay ng maraming skilled construction workers, trainers, at assessors na tutugon sa kasalukuyang industry standards. Ang paglalapit ng pagsasanay sa mga residente ay makakatulong din sa pagpataas ng job opportunities sa komunidad.
Ang TESDA, sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Lapeña ay patuloy na lilikha ng mga proyekto na may kaugnayan sa adbokasiya nito na social equity at trabaho at pangkabuhayan pagkatapos ng trainings. Malaking tulong din ang PPOL SCoP sa paglutas sa tinatawag na ‘skills and job mismatch issues’ sa bansa.
Share this page