March 26, 2019
Pinalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang opurtunidad para sa mga industry bodies na lumahok sa pagbuo at pagpapatupad ng technical-vocational education and training (TVET) ng ahensiya upang matugunan ang pangangailangan ng mga industriya.
Ito’y pinatunayan sa inilunsad na Recognition of Industry Bodies (RIBs) Program na pinangunahan ni TESDA chief, Secretary Isidro Lapeña sa Tandang Sora Hall, TESDA Women’s Center, Taguig City, Marso 26.
Dinaluhan ito ng 25 sectoral leaders mula sa ilang industriya gaya ng Agribusiness, Construction, Automotive and Transportation, Health and Wellness, Tourism, Wholesale and Retail, at iba. Ang programa ay inorganisa nina TESDA Deputy Director General for Partnerships and Linkages Rebecca J. Calzado and Partnerships and Linkages Office (PLO) Executive Director Luz Victoria G. Amponin.
Ang mga programa ng RIBS, ay alinsunud sa ilalim ng Section 26 ng Republic Act No. 7796 (TESDA Law) at Rule VI Section 7 of the TESDA Implementing Rules and Regulations, na ang layunin ay upang bumuo ng epektibo at maayos na kasunduan sa industry boards para tumulong sa pagbuo at implementasyon ng skills training, hikayatin na lumahok ang kapwa manggagawa at employers, sa assessment, at sa certification. Ang ahensiya ay matagal nang nakikipag-partner sa mga industry bodies (IBs), bago pa man, nabuo ang pormal na pagtutulungang ito.
Ito’ y alinsunod rin sa ‘thrust on needs-based skills training’ na ipinatutupad ng TESDA upang matiyak na magkakaroon ng trabaho at pangkabuhayan para sa mga iskolar at TVET graduates. Ang industriya ay matagal nang katuwang ng ahensiya, na nagsisilbi bilang “ribs” na nangangalaga at nagbibigay ng suporta sa TESDA sa pagpapatupad ng mga TVET programs.
Para sa programang ito, ang industry associations (IAs) na binubuo ng ilang business units at organisasyon mula sa industriya ay magpupulong at boboto ng kanilang kinatawan sa industry body (IB).
Kasunod nito, ang IB ay magsusumite ng ilang requirements na tutukuyin ng TESDA Recognition Panel, pag-aaralan, irerekomenda sa Deputy Director General for Partnerships and Linkages, at iindorso ito sa Director General para sap ag-aapruba. Ang buong application process para sa pagkilala ay tatagal ng pitong (7) araw.
Oras na kilalanin na ito, ang IB ng mga kinilalang industry sectors ay gagampanan ang mga sumusunod na gawain: magbibigay ng payo sa TESDA sa paglikha at sa implementasyon ng mga skills develoment schemes na maghahatid ng dekalidad na pagsasanay, humikayat sa mga industries/employers na makibahagi sa pagbuo at pagpapatupad ng skills standardization at certification; at lumahok sa pagsusulong at pagpapatupad ng iba’t ibang aktibidades ng TVET tungo sa maayos na pagpapaunlad sa kasanayan, kabilang ang pagdaraos ng mga skills completion.
Sa panig ng TESDA, ito ay magpapasimula ng mga programa at aktibidades na hihikayat sa mas malawakang paglahok ng industrya tungo sa pagsasanay ng “globally competitive Filipino workforce.”
Share this page