March 5, 2019

Tiniyak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na pagkalooban ng skills training ang halos daang libong mga rebel returnees, drug surrenderers, kabilang din ang indigenous peoples (IPs) mula sa Camp Darul Arqam at sa isang satellite camp ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Lanao del Sur.

Ang mga drug surrenderers, IPs, at rebel returnees ay kabilang sa mga beneficiaries sa programang Skills Training for Special Clients ng TESDA, na kung saan kasama rin dito ang mga calamity-affected communities, inmates and dependents, persons with disability (PWDs), at family enterprises.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, ang ahensya ay magsasagawa ng paunang skills training sa mga bubuuing core group, na magmumula sa mga drug surrenderers, MILF, IPs na Higaonon, para sa mga kursong nais nilang matutunan.

Sa paunang bilang na pagkakalooban ng skills training, may 1,800 ang mula sa drug surrenderers, 2,000 na MILF rebel returnees at 1,000 IPs na Higaonons.

Kabilang sa mga kursong gustong kunin ng mga ito ay agriculture, agri-crop production, small engine mechanic, baking, carpentry, food processing, fabrication, welding, machinery at iba pang kurso sa konstruksiyon.

Ang mga trainings ay isasagawa sa pinakamalapit na mga TESDA Training Center sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Ayon kay Lapeña, inaasahang magsisimula ang training sa darating na buwan ng Marso. Kasalukuyan na umanong binubuo ang work plan para sa nasabing programa.

Sa kanyang talumpati sa idinaos na flag ceremony ng TESDA nitong Pebrero 11 taong kasalukuyan, ibinahagi ni Lapeña na nakapulong niya ang mga lider ng nasabing mga IPs, Muslim rebel returnees sa fellowship night ng National Directorate Conference sa Cagayan de Oro noong February 08, 2019.

“I met them. Yung feeling ko noong nag-uusap kami, parang naging attached sila sa TESDA at umaasa sila na matulungan sila, which will start with training with us,” ani Lapeña.

Ang hakbanging ito ay bilang suporta ng TESDA sa “transition transformation” sa ilalim ng peace process at upang mapalakas ang food security/agriculture sector sa mga MILG, IPs at mga Higaonon.

“The Sultan, who is at the same time MILF 6th Brigade Commander Abdul Amoran and leader of drug surrenderers Macabinta Rasuman expressed their urgent and strong desire for assistance on training and livelihood,” ayon sa isinumiteng ulat ni Wilma T. Bathan, TESD Specialist ll at Association of Concerned Employees (ACE) president, sa TESDA chief.

Si Bathan ang siyang nagbigay-daan at patuloy na nakikipag-ugnayan sa nasabing grupo kasama ang mga Japanese experts, local at national government officials at iba pang local at dayuhang mga organisasyon simula pa noong 2014 para sa nasabing layunin.

Ang TESDA ang kauna-unahang ahensiya ng gobyerno na nakapasok sa nasabing kampo ng MILF. Ang Satellite Camp ng 6th Brigade sa Tagoban 2, Lanao Sur ay binisita ng TESDA officials noong Pebrero 7, 2019 na may lawak na 30,000 hectares.

At ang Sultan at 6th Brigade Commander ay nag-alok ng 10 hektaryang lupa para pagtayuan ng TESDA Training facilities.

Samantala, nakatakda namang bisitahin ng TESDA ang Camp Darul Arqam na may lawak na 1,000 hektaryang lupain napag-aari ni MILF Deputy Commander Yasser Samporma at ng pamilya nito.