February 28, 2019
Tahasang sinabi ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, na ang 2019 Omnibus Guidelines for Scholarships ay magtatala nang panibagong employment rate para sa mga tech-voc graduates.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lapeña sa idinaos na TESDA-NCR TVET Forum na ginanap sa Blue Leaf Filipinas sa Parañaque City noong February 22, 2019.
Binigyan-diin ni Lapeña na napakahalaga ng tungkulin ng TESDA sa tech-voc education dahil sa kailangan nang makasama ang pagbibigay ng trabaho at livelihood sa mga magtatapos sa pagsasanay. Aniya, sa bagong guidelines, ang 60% employment rate ay kasama sa mga criteria para sa pagpili ng mga technical vocational institutions (TVIs) na pagkakalooban ng mga scholarship slots.
Ito ay nangangahulugan na 60% ng mga scholar-graduates ng isang TVI ay nakahanap at nakapasok na ng trabaho sa loob ng isang taon matapos silang maka-graduate.
Sa pagsasalita nito sa harap ng mga delegado ng TESDA Technology Institutions (TTIs), TVET Vocational Institutions (TVIs), technical vocational education and training stakeholders, at TESDA officials, sinabi ng TESDA Director General na iniutos nito ang agarang pagpapalabas ng guidelines upang ma-i-guide ng tama ang mga TVIs, gayundin ang mga estudyante ng tech-voc, kaugnay sa bagong direksyon ng TVET.
“This is to ensure fast and effective implementation of the scholarship programs by all of the country’s TVIs,” paliwanag nito.
Si Lapeña, na ipinakilala ni TESDA-NCR Regional Director Conrado G. Bares, ay nagbigay-diin sa kanyang keynote message na sa ilalim ng kanyang liderato, ang TESDA ay magtatrabaho para sa higit na pagkakaisa alinsunod sa nakapaloob sa bagong TESDA tagline, “TESDA, Abot Lahat!”
“At TESDA, we will target, seek, and serve ‘the helpless, the hopeless, and the defenceless, as President Rodrigo R. Duterte had so aptly instructed,” paglalahad nito.
“Since joining TESDA, I have emphasized that our clients must include those who have very little in life, mainly because they are the ones in need of most assistance,” dagdag pa ni Lapeña.
Sa taong 2019, sinabi ni Lapeña na inaasahang madadagdagan ang bilang ng mga scholarship beneficiaries na nasa hanay ng “special clients” gaya ng indigenous peoples (IPs), dating mga rebelde, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens, isama pa rito ang mga migrant workers, urban poor, drug dependents na sumuko sa mga awtoridad, at iba pang miyembro ng katulad na sektor.
Ayon kay Lapeña ang bagong omnibus scholarships guidelines ay nakatuon sa quality training, at para makamit ito, ang TESDA ay magbibigay ng mga insentibo sa mga outstanding TVIs.
“Quality training is of utmost importance to us. This is why we will grant additional scholarship slots, as incentives, to institutions that have earned awards, recognitions, or certifications,” pahayag niya.
Aniya, ang pagbibigay ng karagdagang scholarship slots ay ibabase sa pagsunod ng mga TVIs sa mga regulasyon ng TESDA. Ito ay mangangahulugan na hindi sila nagkaroon ng mga paglabag at hindi rin naharap sa anumang mga reklamo.
“They also must have utilized their budgets fully, prudently, and well,” ayon sa opisyal, ipinaliwanag nito na para sa 2019, ang mga TVIs na papasa dito ay pagkakalooban ng scholarship slots, kailangan nilang magkaroon ng di bababa sa 80 percent utilization rate sa kanilang 2018 scholarship budget.
Ang TESDA-NCR TVET Forum ay isang taunang kaganapan sa TESDA upang pagtipun-tiponin ang mga kabalikat, stakeholders, at TVIs sa pagbalangkas ng taunang mga alituntunin at patakaran. Ang mga kalahok na opisyal ng TESDA, ay kinabibilangan ng mga district directors, opisyales ng mga TESDA technology institutions (TTIs) at TVET Vocational Institutions, at iba pang stakeholders.
Kasama sa mga dumalo sa nasabing forum ay sina Dr. Danilo V. Ayap at Engr. Levy Traquena, president at vice-president ng NCR Alliance of TVET Schools and Associations (NATSA), ayon sa pagkakasunod.
Share this page