February 18, 2019
Nadiskubre ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang 28 technical vocational education and training (TVET) programs na may mga insidente ng mga ghost trainings at ghost scholars sa Central Luzon at sa tatlo pang rehiyon.
Ito ay bunga ng tatlong buwang masusing imbestigasyon sa mga operasyon ng lahat ng accredited TESDA training schools sa bansa na ipinagutos ni Secretary Isidro S. Lapeña noong siya ay matalaga sa pwesto noong Oktubre nang nakaraang taon.
Matatandaang agad na bumuo ng Investigation Committee ang administrasyon ni Lapeña hinggil dito dahil na rin sa ilang reklamo ng katiwalian at korapsyon, lalo na sa mga probinsya. Mabusising imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa sa lahat ng TESDA training centers at schools upang masolusyunan ang mga ito.
"Among my major thrusts is to address the problem of ghost scholars and ghost trainings. Any irregularities will be immediately dealt with, nobody will be spared under my watch," ani Lapeña.
Base sa resulta ng imbestigasyon ng binuo niyang Investigation Committee, mayroong 62 rehistradong programa ng mga technical-vocational institutions (TVIs) na lumabag sa mga regulasyon ng TESDA.
Nakatuon din ang imbestigasyon na isinagawa ng Ahensiya sa siyam na kategoriya. Ilan dito ay ukol sa mga isyu ng ghost trainings at trainees, labis na paniningil ng bayad, at kakulangan ng mga inspection at re-inspection reports.
Nakumpirma ang mga kaso ng ghost training at trainees sa ilang rehistradong technical vocational and education training programs — 13 mula sa Central Luzon, tig-7 sa Region I at Region IV-A, at 1 sa Metro Manila.
Ang mga natuklasang training schools ay may dalawa o higit pang mga kaso ng ghost trainings at listahan ng ghost trainees.
Mayroon ding lumutang na siyam na kaso ng iligal na paniningil ng mga bayarin sa mga trainees at scholars na lantarang pagsuway sa mga panuntunan ng TESDA scholarships.
Apat sa mga kasong ito ay mula sa Region I, tig-2 mula sa Region IV-A at Region VI, at isa mula sa Region VII.
Hiningan na ng pahayag ang mga TESDA Regional Directors na nakakasakop sa mga nasabing lugar hinggil sa mga isyu ng anomalya.
"Appropriate criminal charges will be filed against those who are involved in these serious offenses as warranted," giit ni Lapeña.
Samantala, ang ilang training schools naman na may ilang minor violations ay pinaalalahanan na sundin ang mga regulasyon at binalaang kakanselahin ang accreditation kung hindi tatalima rito.
Kaugnay sa naging resulta ng isinagawang imbestigasyon, nagpatupad si Lapeña ng mas pinaigting at mahigpit na pagsusuri sa mga rehistradong training schools at centers at mas masinsinang proseso sa pagkumpirma sa mga magpapa-accredit.
"TESDA’s Unified TVET (Technical Vocational Education and Training) Program Registration and Accreditation System or UTPRAS has very stringent validation and monitoring processes. If a school or training center does not comply with requirements, it will not be awarded scholarship slots,” diin pa ni Lapeña.
Inilabas din ni Lapeña kamakailan ang Omnibus Guidelines for 2019 TESDA Scholarship Programs, kung saan, upang maiwasan ang mga anomalya at ilegal na gawain, ay magpapatupad ng mahigpit na pagususuri sa mga training programs, trainees’ attendance, at ng employment rate ng mga nagtapos na scholars.
Tiniyak din niya na ang amended guidelines ay magbibigay ng mas mabigat na kaparusahan para sa mga tiwaling TVIs, pati na rin sa mga empleyado ng TESDA, kung saan ang polisiya at panuntunan ng CSC (Civil Service Commission) ay mahigpit na ipatutupad.
“I assure the public that during my watch, as your TESDA chief, our kababayan will not be shortchanged and will not be deprived of the free quality training that they deserve,” diin ni Lapeña.
Share this page