January 25, 2019
Tumulong ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagtugon sa mga hinaing at isyu ng mga miyembro ng National Capital Region - Tricycle Operators and Drivers’ Association (NCR-TODA) Coalition.
Ito ay sa pamamagitan ng paglaan ng paunang 200 TESDA scholarship slots para sa mga miyembro ng NCR-TODA Coalition upang madagdagan ang kanilang kaalaman at magkaroon ng iba pang oportunidad upang kumita.
Ang TESDA Certificate of Scholarship Commitment para sa TODA ay iginawad nina TESDA Scholarships Management Office Director-in-Charge Sonia S. Lipio at Pasay/Makati District Director Angelina M. Carreon kasama si dating Special Assistant to the President, Sec. Bong Go na tinanggap naman, sa ngalan ng kowalisyon, ni Mr. Ismael O. Sevilla, presidente ng NCR TODA Coalition.
Ito ay naganap sa idinaos na 3rd TODA Summit na isinagawa sa Cuneta Astrodome, Pasay City noong Enero 23, 2019.
Magkakaroon pa ng pag-uusap para matukoy ang mga training na angkop sa mga benepisyaryo at kung saan ito gaganapin.
Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang naging pangunahing taga-pagsalita sa nasabing summit na dinaluhan ng may 7,000 NCR-TODA Coalition members, mga bisita at empleyado ng mga kalahok na national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs).
“We are here to serve. Wala kaming ginagawa diyan kung hindi magtrabaho. Iyan ang buhay namin. It’s just a matter of telling us na, ‘ganito ang problema,’” sabi ng Presidente sa kanyang talumpati.
Ang NCR-TODA Coalition ay binubuo ng may 965 TODA organizations sa buong rehiyon.
Kabilang sa mga reklamo at isyu na ipinarating ng grupo sa gobyerno ay ang hindi umano pagpansin ng gobyerno sa kanilang kalagayan; walang matatag na pinagkukunan ng pagkakakitaan; limitadong livelihood opportunities; at nahihirapan sa pagkuha ng mga health benefits.
Ang mga kalahok na NGAs ay kinabibilangan ng TESDA, Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Commission on Higher Education (CHED), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE), Department of Internal and Local Government, Department of Transportation, at Cooperative Development Authority.
Sa nasabing summit, ang mga kalahok na NGAs ay naglagay ng kani-kanilang booth para ipaalam sa mga miyembro ng TODA ang mga programa, proyekto at serbisyo na ipinagkakaloob gobyerno na pwede nilang mapakinabangan.
Ang mga tricycle drivers ay itinuturing ng TESDA na bahagi ng mga informal sector na kailangang matulungan ng ahensya.
Share this page