January 13, 2019
Higit pang mapapalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang paghahatid ng serbisyo para maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap at ng mga nasa malalayong lugar sa pamamagitan ng skills training.
Ito ay matapos na pormal nang tinanggap ng TESDA ang 1,027 square meter na lupang ibinigay na donasyon ng City Government of Koronadal na pagtatayuan ng gusali ng TESDA Regional Office Xll. Ang lote ay nasa loob ng tinatawag na Prime Regional Center kung saan may nakatayo nang o magtatayo pa ng ibang tanggapan ng iba't-ibang ahensya ng gubyerno.
Nilagdaan nina TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, at Koronadal City Mayor, Dr. Peter B. Miguel, ang Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation (DOD) para sa pormal na pagkakaloob sa donasyong lupa na matatagpuan sa Brgy. Carpenter Hill, City of Koronadal, South Cotabato para sa nasabing proyekto.
Ang signing ceremony ay ginanap sa FB Hotel sa nabanggit na siyudad nitong ika-10 ng Enero 2019.
Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P50 milyon at ito’y itatayo sa loob ng 18 buwan matapos na malagdaan ang MOA at DOD.
“The establishment of this Prime Regional Center of Region Xll will be a testament to the continuing cooperation between national and local government agencies and units, as well as to the trust of the Duterte Administration for a government that is truly for the people. This will likewise strengthen partnerships between public entities and private companies,” ani Lapeña sa kanyang mensahe sa nasabing signing ceremony.
Ayon kay Lapeña, oras na maitayo na ang nasabing pasilidad at maging fully-operational, magkakaroon na ng magandang pagkakataon ang ahensiya na mapagsilbihan ang mga miyembro ng lipunan na higit na nangangailangan lalo na ang mga taga-Mindanao.
Ang paglagda ay itinaon sa pagdiriwang ng ika-19th "Hinugway Festival" at 79th founding anniversary ng Koronadal City. Ang signing ceremony ay sinaksihan nina TESDA Regional Director Rafael Abrogar ll at City Administrator Cyrus Jose Urbano.
Pinasalamatan ni Lapeña ang City Government of Koronadal sa pangunguna ni Mayor Miguel at mga mamayan para sa nasabing donasyon.
Nauna rito, sinabi ni Lapeña na ang nabanggit na proyekto ay kasama na sa mga programa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2019.
Ipinakiusap umano niya kay DPWH Secretary Mark Villar na isama sa kanilang proyekto para taong 2019 ang TESDA Regional Office 12 na agad naman umanong inaprubahan ng kalihim nang magkita sila sa idinaos na cabinet meeting sa Malacañang.
Aniya, kung maitatayo na ang nasabing Regional Office ay mapapalapit na ito sa mga kababayan nating gustong mag-avail ng iba’t ibang serbisyo at programa ng ahensiya.
“Kung walang pamasahe ang iba nating mga kababayan, maiisip pa ba nila ang mag-training o mag-aral para maiangat ang kanilang sarili?" pahayag ni Lapeña.
Kaugnay nito, dalawa pang world class training centers sa rehiyon ang inaasahang maitatayo ngayong 2019, ito ay sa Sarangani at South Cotabato.
Inaasahang pakikinabangan ang dalawang training centers ng may 20,000 beneficiaries sa susunod na limang taon.
Share this page