December 30, 2018
Sinaksihan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, ang pagtatapos ng 158 landslide survivors na kumuha ng mga short-term vocational courses na inialok ng ahensiya.
Kasabay nito, pinangunahan din ni Lapeña ang pamamahagi ng mga tool kits para sa mga nagtapos na landslide survivors sa naganap na madugong landslide sa Barangay Tinaan, Naga City sa Cebu noong September 20, taong kasalukuyan, na nagbaon ng buhay sa may 78 katao.
Sa nasabing bilang ng mga nagtapos, 41 ang nag-graduate sa tile setting na kinabibilangan ng 25 kalalakihan at 16 kababaihan; 41 sa carpentry, anim dito ay babae; hydraulic excavation, 51; at bulldozer operation, 25.
Ang special short-term courses ay kanilang tinapos sa St. Peregrine’s Institute sa Carcar City sa nasabi ring lalawigan.
Ang graduation ay ginanap sa Naga City Hall nitong Disyembre 21 na dinaluhan din nina Mayor Kristine Vanesa Chiong, TESDA Regional Director Toni June A. Tamayo at Provincial Directors Francisca R. Opog (Cebu), Cariza A. Dacuma (Bohol), Floro T. Rinca (Negros) at Dina V. Esmas (Siquijor)
Nakita ang labis na kasiyahan, excitement at bagong pag-asa sa mukha ng mga graduates habang tinatanggap ang kanilang National Certificates (NC) dahil umaasa sila na ang kanilang na-avail na kasanayan ay magagamit nila sa pagbangon mula sa nasabing trahedya.
Umaasa rin sila na makakamit ang ipinangakong trabaho oras na maka-graduate na anila’y malaking tulong ng gobyerno upang muli nilang maitayo ang kanilang nasirang buhay at tahanan gayundin ang iba pang kasama sa 444 pamilya na naapektuhan ng landslide at kailangang mailikas.
“Looking at all these graduates today, I see hope and I see courage. 158 graduates of 4 different skills training programs is not much. But when you think about the economic benefits it will bring to families and the community, it is definitely a step in the right direction,” ani Lapeña sa kanyang mensahe sa mga nagtapos.
“You have the power to make your dreams come true. Kayo din yun. Tulungan n’yo ang sarili ninyo. Determination ang kailangan para magkaroon ng mabuting buhay,” dagdag pa ng TESDA chief.
Samantala, sa pakikipagpulong kay Secretary Lapeña at iba pang opisyal ng TESDA, sinabi ni Mayor Chiong na ang mga graduates ay ide-deploy sa Metro Manila para magtrabaho sa construction project ng isa sa mga industry partners ng TESDA.
Sa pagbalik umano sa Cebu ng mga graduates na ito, kukunin din sila para magtrabaho sa kontruksiyon ng Cordova Bridge, na kumukonekta sa mga siyudad ng Cebu at Lapu-Lapu, na isang dalawa’t kalahating taong proyekto na sisimulan sa May 2019.
Tiniyak din ng mayor na sasagutin ng city government ang medical examination cost at transportation ng mga landslide victims na gustong magtrabaho sa Manila.
Kaugnay nito, bago dumalo si Lapeña sa nasabing graduation rites, pinangunahan muna nito ang groundbreaking ceremony sa TESDA Vll Innovation Center sa Cebu City. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P40 milyon.
Ito ang kauna-unahang innovation center sa Visayas na nakatayo sa may 800 square meters na espasyo na pag-aari ng ahensya, na donasyon ng Cebu Provincial Government.
Makakatulong ang center upang matugunan ang pangangailangan ng TESDA Region Vll ng espasyo para sa lumalaki nilang bilang ng mga enrollees para sa ibang kurso o kuwalipikasyon ng ahensiya.
Share this page