December 14, 2018
Magtutulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Transportation (DOTr) para bigyan ng skills training ang mga maaapektuhang drivers, operators at kanilang pamilya sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Ito ay matapos lagdaan nina TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, at DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa pagpapatupad ng “PUV Modernization Stakeholder Support Mechanism Component” nitong December 11, 2018.
Ang MOA ay epektibong ipapatupad hanggang 2022.
Natuwa si Tugade dahil natuloy na ang pagkakalagda sa nasabing MOA.
“Huwag na nating payagang ma-delay pa ito dahil sayang ang mga years na pinalagpas at binabaybay natin na walang program,” ani Tugade.
“Automatic ‘yung response ko na ito ay pagtulong. Ang ating mandato ay mag-train, pagkatapos ng training then a job after,” ito ang naging tugon ni Secretary Lapeña sa hiling ni Tugade.
Tiniyak ni Lapeña na pagkatapos ng skills training, tutulungan din ng TESDA ang mga beneficiaries na makakuha ng trabaho sa pamamagitan nang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na industriya at sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ang paglalagda ay ginanap sa TESDA Board Room, sa TESDA Complex na sinaksihan nina TESDA Executive Director Ma. Magdalena P. Butad, at DOTr OIC-Undersecretary Mark Richmund M. De Leon.
Ang DOTr ay naglaan ng P350,000,000 para sa training at social assistance para sa mga stakeholders na maapektuhan ng Public Utility Modernization Program na isa sa mga flagship projects ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The budgetary appropriation transfer contemplated in this MOA shall be used by the TESDA for the program from 2018 to 2022. It shall cover the training and assessment fees, daily allowance, displaced/existing stakeholders and/or their beneficiaries, and administrative/monitoring cost,” nakasaad sa sa Stakeholder Support Mechanism Component ng PUV Modernization Program.
Sa ilalim ng PUV Modernization Program, tatanggalin na sa lansangan ang mga jeepneys at buses na 15 taon pataas at papalitan ng mga bagong modelo na may Euro 4 compliant engines.
Nakasaad sa MOA na agad na maglalabas ng Letter of Advise of Allotment Release (LAAR) ang DOTr para sa paglilipat ng pondo sa TESDA na hinati sa dalawang tranche.
Ang bawat beneficiary ay pagkakalooban ng libreng pagsasanay, assessment at training allowance na nagkakahalaga ng P350 para sa bawat araw na kanilang pinasok, at ito’y ibibigay pagkatapos ng training.
Bubuo ng mga training regulations ang dalawang ahensiya para sa qualifications katulad ng: Transport Safety Officers; Automotive Servicing; Fleet Management at iba pang mga kurso na aangkop sa pangangailangan ng DOTr.
Ang mga inaasahang beneficiaries ay yaong mga nawalan ng trabaho, boluntaryong umalis o tumigil na sa industriya, piniling magpatuloy bilang driver/operator at mga bagong driver/operators.
Magmumula sa DOTr ang listahan ng mga benefisaryo at ang kanilang napiling training courses.
Ang mga beneficiaries ay kailangang magsumite ng mga kinakailangang qualification documents para sa pinili nilang training program kasama ang iba pang mga dokumento.
Share this page