December 9, 2018
Mahigit sa 200 overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakinabang sa isinagawang Onsite Assessment Program (OAP) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa bansang Dubai.
Ang 3-day onsite assessment ay idinaos sa lobby ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai noong Nobyembre 16 -18, taong kasalukuyan.
Ayon sa TESDA Certification Office (CO), ang isinagawang onsite assessment ay para sa dalawang qualifications, Caregiving NC ll at Visual Graphics Design NC ll.
Umabot sa 206 bilang ng mga overseas Filipino Workers (OFWs) ang na-assess, 175 ang na-certify o katumbas ng 84.95% certification rate.
Sa nasabing bilang, 205 OFWs ang nagpa-assess para sa Caregiving NC ll, 174 dito ang certified habang isa naman sa Visual Graphics NC ll.
Ang nasabing assessment ay pinangunahan ni TESDA Certification Office Executive Director Maria Susan P. Dela Rama at kasama si Rachelreilyne Saenz na tumayong TESDA representative sa nasabing assessment.
Samantala, ang mga competency assessors naman ay nagmula sa New Lucena Polytechnic College sa Western Visayas na sina Donnabelle Sollesta at Ma. Theresa Palmair.
Simula noong 2014, ang TESDA ay nagkakaloob ng libreng assessment at certification services sa pamamagitan ng OAP sa mga OFWs sa mga bansa gaya ng United Arab Emirates (Dubai at Abu Dhabi), Kingdom of Saudi Arabia (Jeddah at Riyadh), Qatar, Kuwait, Hong Kong, at Singapore.
Mula sa 2014 hanggang sa 4th quarter ng 2018, ang mga program beneficiaries ay umaabot na sa 2,681 at 2,159 ang mga na-certify alinman sa National Certificate (NC) o Certificate of Competency (COC).
Ang pangunahing layunin ng OAP ay mapagtibay ang nakuhang kasanayan o skills ng mga OFWs, lalo na ang mga nasa delikadong trabaho, upang mas mapaunlad ang kanilang trabaho, magkaroon ng mas desenteng trabahao, maging employed o bilang entrepreneur.
Share this page