November 25, 2018
Higit pang pauunlarin ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Isidro S. Lapeña, ang kasalukuyang ipinatutupad at ipinaiiral na mga programa sa technical vocational education training (TVET).
Ito ang binitiwang pangako ni Lapeña sa idinaos nitong executive meeting sa mga opisyal at empleyado ng TESDA Region Xll sa kanyang kauna-unahang regional tour bilang pinuno ng ahensya.
Ang executive meeting ay ginanap sa Viajera Hotel, Koronadal City nitong Nobyembre 13, 2018.
Aniya, ang kanyang “takeoff point” bilang Director General ng TESDA ay paunlarin ang kung ano meron ngayon ang TESDA.
“My take off point as Director General of TESDA is to improve on what TESDA has now,” ani Lapeña.
Binigyan-diin ng bagong upong TESDA chief, na napakaganda ng mga programa ng TESDA sa TVET.
Upang higit na mapag-aralan ang tungkol sa nasabing mga programa at kalagayan sa ground, plano niyang bisitahin ang lahat ng mga regional offices hanggang matapos ang taon, gayundin ang mga provincial offices ng TESDA.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, sinabi ni Lapeña na magiging prayoridad niya na matulungan sa pamamagitan ng mga scholarship programs ay ang mga mahihirap, indigenous peoples(IPs), people with disabilities (PWD), rebel returnees, at mga biktima ng armed-conflicts.
Ayon sa opisyal, sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Philippine Constabulary (PC) at Philippine National Police (PNP) siya ay nauugnay sa peace and order, at sa kanyang dissertation paper para sa kanyang PhD, tinukoy nito ang apat na pinakaugat ng rebelyon: ang kahirapan, kamangmangan, walang katarungan, at korupsiyon.
Ang solusyon aniya upang mapigil ang rebelyon ay ang paglutas sa problema sa kahirapan.
“It is not giving to those who have already. It is more to give to those who do not have much in life, those belonging to the lower strata of society,” paliwanag ni Lapeña.
Mahalaga umanong mabigyan ng skills ang mga kabilang sa pinakamahirap na lipunan upang matulungan silang makahanap ng trabaho o makapagpatayo ng kanilang maliit na negosyo para umangat ang kanilang pamumuhay.
Samantala, ipinaliwanag ni Lapeña kung bakit ang Region Xll ang unang binisita nito simula nang umupo siya bilang TESDA chief noong Nobyembre 31, taong kasalukuyan.
Aniya, malapit sa kanyang puso ang Region Xll dahil matagal siyang naglingkod dito bilang pulis noong PC pa lamang ito hanggang naging PNP kaya marami siyang magagandang memories at accomplishments dito.
Maliban sa Koronadal City, binisita rin ni Lapeña ang General Santos at ang Davao City sa loob ng halos walong oras na pananatili nito sa Region Xll.
Suportado rin ni Lapeña ang planong pagpapatayo ng mga bagong gusali ng TESDA Regional Office at Manpower Training Center sa Region Xll.
Share this page