November 11, 2018
Naging “record-breaking” ang resulta nang isinagawang Onsite Assessment Program (OAP) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa bansang Singapore kamakailan.
Ito ay matapos na tumaas ng 258% kumpara sa mga nakaraang onsite assessment activities sa nasabing bansa simula noong 2015.
Ang nasabing bilang ang pinakamataas din batay sa record ng bawat mga bansa na may OAP ang TESDA gaya ng United Arab Emirates (UAE), Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Qatar, Kuwait, Hong Kong at Singapore simula taong 2014 hanggang Oktubre 2018.
“We have seen a significant increase of assessed and certified workers in the OAP in Singapore, almost 260% more than the last numbers logged in the same country,” ani TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña.
“What is even more encouraging is that the Singapore numbers are also the highest ever recorded in the 4-year history of the TESDA Onsite Assessment Program. This is a welcome development and we are optimistic that this trend will continue,” dagdag ni Lapeña.
Ang dalawang serye na onsite assessment ay matagumpay na isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Filipino Welfare Administration (OWWA), at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na idinaos nitong Setyembre 22-23 at 29-30, taong kasalukuyan sa nasabing bansa.
Ang 419 na aplikante para sa OAP ay mula sa iba’t ibang Filipino organizations/associations at training centers na nakabase sa Singapore ngayong taon. Mula dito, 326 ay na-certify alinman sa National Certificate (NC) o Certificate of Competency (COC) sa Bread and Pastry Production NC ll, Cookery NC ll, Health Care Services NC ll at Caregiving NC ll. Ang bilang na ito ay katumbas sa 77.80% certification rate.
Ang mga beneficiaries ng 2018 OAP sa Singapore ay pawang mga kababaihan na karamihan ay nagtatrabaho bilang mga domestic o household service workers.
Batay sa talaan, tinatayang 40% ng mga kandidato para sa assessment ay may college level education, habang ang 20% sa kanila ay mga degree holders o college graduates, at ang natitirang 40% ay nakapagtapos ng high school o mga post-secondary o technical-vocational (tech-voc) graduates.
Nabigyan-pansin ang malaking pagtaas ng bilang na na-assess kumpara sa mga nagdaang onsite assessment activities sa nasabing bansa, na ipinapalagay na bunga nang patuloy at mabuting pagtanggap at pagkilala sa TESDA assessment at certification program.
“The increase in the turnout for the OAP can be attributed to the growing acceptance and recognition of TESDA’s assessment and certification program not only among OFWs but with employers as well,” ayon kay TESDA Deputy Director General for TESD Operations, Alvin S. Feliciano.
Ang Singapore ay isa sa mga kinilalang lugar sa Asia para pagdarausan ng OAP dahil sa malaking bilang ng OFWs na nakatutok at prayoridad ay domestic o household service workers simula noong 2015, kung saan 114 ang na-assess at 80 ang na-certify.
Ang OAP sa Singapore ay matagumpay na naisakatuparan bunsod sa ibinigay na suporta at tulong ng Care Academy, AIMS Training International, Home Academy, The Master’s International, at Filipino Overseas Workers/Bayanihan Centre-Singapore na nagsilbing assessment venues para sa pagsasagawa ng onsite assessment 2018 sa nasabing bansa.
Simula noong 2014, ang TESDA ay nagkakaloob ng libreng assessment at certification services sa pamamagitan ng OAP sa mga OFWs sa mga bansa gaya ng United Arab Emirates (Dubai at Abu Dhabi), Kingdom of Saudi Arabia (Jeddah at Riyadh), Qatar, Kuwait, Hong Kong, at Singapore.
Mula sa 2014 hanggang sa 2nd quarter ng 2018, ang mga program beneficiaries ay umaabot na sa 2,475 at 1,984 ang mga na-certify alinman sa National Certificate (NC) o Certificate of Competency (COC).
Ang pangunahing layunin ng OAP ay mapagtibay ang nakuhang kasanayan o skills ng mga OFWs, lalo na ang mga nasa delikadong trabaho, upang mas mapaunlad ang kanilang trabaho, magkaroon ng mas desenteng trabahao, maging employed o bilang entrepreneur.
Share this page