November 5, 2018
Kasabay sa pagbubukas muli ng Boracay Island, isinabay din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang graduation day ng may 720 mangagawa at residente na naapektuhan sa pansamantalang pagsasara sa Boracay Island.
Ito ay sa idinaos na “Mass Graduation of TESDA Skills Training for Displaced Workers and Other Beneficiaries Affected by the Temporary Closure of Boracay Island” na isinagawa sa Barangay ManocManoc Covered Court, Boracay Island noong Oktubre 26, 2018, kasabay na rin sa muling pagbubukas sa Boracay Island para sa mga turista.
Kung matatandaan, ang Boracay Island na tinaguriang “island paradise” ay isinara sa loob ng anim na buwan simula noong Abril 26 hanggang Oktubre 26 taong kasalukuyan matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyan-daan ang isasakatuparang paglilinis at rehabilitasyon sa isla dahil sa lumalalang problema sa basura, mga iligal na mga imprastraktura at iba pang isyu na pangkapaligiran sa isla.
Tinawag ni Duterte ang Boracay bilang “cesspool” dulot na rin ng pollution, overcrowded sa mga turista, tambak na basura at iba pang uri isyung pangkapaligiran.
Ang graduation rites ay pinangunahan ni TESDA Deputy Director General for TESD Operations Alvin Feliciano, TESDA Aklan Provincial Director Joel Villagracia at mga kinatawan ng mga lokal na opisyal ng nasabing lalawigan.
Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Feliciano na ang mga graduates na gustong magtayo ng negosyo ay maaring matulungan sa kanilang kapital sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya at financial institusyon ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
“Ang TESDA po ay hindi lamang nagbibigay ng training, bagkus kayo po ay tutulungan ng aming mga kasama rito sa TESDA para maiugnay sa mga naghahanap ng empleyado o trabaho, o trabahador na bago sa mga negosyo sa isla ng Boracay. Pangalawa, binanggit ko ang negosyo. Bakit? Ang TESDA po ay may pakikipag-ugnayan sa DTI, DSWD, sa DOLE, ‘yan ang mga ahensya na ‘yan ang tumutulong sa pagbibigay ng puhunan sa mga nagsitapos ng skills training sa TESDA. Kaya sa mga gustong magnegosyo pwede po kayong tulungan ni PD Joel na mai-refer para makakuha ng tulong pangkapital (utang) sa DTI, DSWD, dagdag pa rito ang LBP, at DBP para makasiguro na tayong lahat ay umangat dito sa gobyernong ito,” ani Feliciano.
Ang 720 graduates ay sinanay sa iba’t ibang qualification ng TESDA Provincial Training Center-Aklan at 14 katuwang na mga technical vocational institutes (TVIs) sa nasabing lalawigan.
Ang mga graduates ay kinabibilangan ng Lifeguard Services, 42; Electrical Installation and Maintenance NC ll, 17; SMAW NC l, 113; Housekeeping NC ll, 54; Security Service NC ll, 25; Service Consumer Electronic Products and Systems (leading to Electronics Products Assembly and Servicing NC ll), 66; Driving NC ll, 25; Prepare Hot and Cold Meals (leading to Cookery NC ll), 50; Cake Making, 40; Pastry Making, 33, Bread Making, 30; Perform Manicure and Pedicure, 100; Carpentry/Plaster Concrete/Masonry Surface (leading to Masonry NC ll), 5l; Hilot (Wellness Massage) NC ll; at Dressmaking NC ll, 15.
Matapos pansamantalang ipasara ni Duterte ang Boracay sa mga turista noong Abril, mahigit sa 73,522 residente, 17,326 registered employees at 11,000 unregistered workers ang naapektuhan. Nawalan sila ng trabaho at pagkakakitaan.
Agad na pinakilos noon ni dating TESDA Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong ang mga opisyal at kawani ng TESDA Aklan na bumuo agad ng action plans upang matulungan sa pamamagitan ng iba’t ibang scholarship skills program ng ahensya ang mga naapektuhang mga manggagawa at residente sa pagsasara ng Boracay.
Ito ay upang tulungan na makahanap sila ng mga pansamantalang trabaho at pagkakakitaan.
Ang pagsasanay ay hinati sa dalawang batch.
Share this page