04 November 2018
“Through TESDA's skills training programs and services, we shall win the hearts of our people,” tiniyak ng bagong Director General ng Technical Education and Skill Development Authority (TESDA) na si Secretary Isidro “Sid” S. Lapeña.
Aniya, dekalidad na skills training, trabaho at magandang kabuhayan ang solusyon sa maraming problema sa lipunan at hindi bala o digmaan, kaya't dapat bigyan ng sapat na pagkakataon ang lahat ng mamamayang Pilipino partikular ang mga mahihirap.
“As a public servant, I am challenged and at the same time humbled, to be given this task of helping the country create opportunities to ensure that our human capital remains not only competitive but productive and world class. We at TESDA should ensure that those who have less in life would have more in opportunities to increase their chances to secure their own livelihood, self-employment or inclusion in the labor market,” ani Lapeña.
Inihayag ito ng 67-anyos na TESDA chief sa kanyang acceptance speech matapos ang isinagawang turn-over ceremony mula kay Officer-in-Charge Deputy Director General Rosanna A. Urdaneta na ginanap noong Oktubre 31 sa TESDA Women’s Center sa Taguig City.
Si DDG Urdaneta ang umupong TESDA OIC matapos na magbitiw si dating Director General/Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong nitong Oktubre nang magdesisyon itong kumandidato bilang gobernador ng Lanao del Sur sa darating na May 2019 national elections.
Ayon kay Lapeña, labis niyang pinasasalamatan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagkakataon upang pamunuan ang TESDA.
Aniya noong una ay tinatanong din niya ang kanyang sarili, “What will I do in TESDA?”
Gayunpaman, ipinaliwanag umano sa kanya ni Duterte na ang kanyang pag-upo sa TESDA ay may kaugnayan sa katatagan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa at sa pag-develop ng mga skilled human resource lalo na mula sa pinakamahirap na mamayan na siyang pinakamahalaga.
Aniya, kung nasisiyahan ang mga mamayan partikular na mula sa pinakamahirap sa lipunan, tiyak umanong makakamit ng bansa ang katatagan ng kapayapaan at kaayusan.
“TESDA is here to provide better technical vocational education for as many as possible. Accessible education and training mean better jobs, and better jobs mean better lives,” dagdag ni Lapeña.
Tiniyak din nito na hindi magkakaroon ng corruption sa ahensya sa panahon ng kanyang pamamahala, kung saan patunay umano ang kanyang pagsama ng ilang opisyal at tauhan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa kanyang panunumpa.
Samantala, hinikayat naman ni Urdaneta ang mga opisyal at empleyado ng TESDA partikular ang employees union na Association of Concerned Employees (ACE) na suportahan si Lapeña sa panahon ng transition ng kanyang panunungkulan sa ahensya.
“All these people in this organization both past and present have contributed significantly in shaping TESDA to what it is today. We share the same commitment, professionalism and concern in pursuing what TESDA should be doing as an education agency. As we transition to a new leadership, with Secretary Isidro Lapeña at the helm, may I ask the same support, the same commitment, and the same professionalism to pursue the agency’s programs as we also look forward to more innovative programs for our fellow Filipinos,” pakiusap ni Urdaneta.
Bago iniupo si Lapeña sa TESDA, siya ay dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner na inilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa TESDA bilang kapalit ni Mamondiong.
Siya ay graduate ng Philippine Military Academy, Class of 1973. Mahigit tatlong dekada itong nasa police service bago magretiro noong 2007.
Share this page