October 17, 2018
Karamihan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na natulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) OFWs’ Desk sa mga international airports ay mula sa mga bansa sa Middle East.
Ayon kay TESDA Deputy Director General for Partnerships and Linkages Rebecca J. Calzado, umaabot na sa 1,478 OFWs ang natulungan ng ahensya, kung saan 332 dito ay galing sa Middle East.
Ito ay batay sa natanggap na mga TESDA OFWs’ Desk (TOD) accomplishment reports galing sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Una rito, iniutos ng TESDA ang paglalagay ng mga TOD sa Clark International Airport (CIA), Ninoy Aquino International Airport (NAIA Terminal 1, 2 at 3), Mactan Cebu International Airport (MCIA) at Davao-Francisco Bangoy International Airport (DFBIA) bilang bahagi ng hangarin at complimentary intervention ng ahensya para suportahan ang reintegration program ng gobyerno para sa mga pinauuwi at nawawalan ng trabaho na mga OFWs
Ipinalabas ang utos noong April 24, 2018 at ang programa ay nagsimula noong kalagitnaan ng Mayo taong kasalukuyan, ani Calzado.
Sa kabuuang bilang, 1,377 ang nakalap mula sa NAIA 1 at 3, samantalang 101 naman sa MCIA. Wala pang natatanggap na report ang TESDA mula sa DFBIA at CIA.
Ang mga natulungang OFWs ay galing sa 33 bansa kung saan karamihan ay mula sa pitong bansa sa ME gaya ng Saudi Arabia, Bahrain, Jordan, Kuwait, Lebanon, Qatar, at United Arab Emirates (UEA).
Sa nasabing bilang, 685 ang humingi ng referral for skills training; 675 ang natugunan sa kanilang katanungan gaya ng mga school at assessment center address, mga bukas na kurso at iba pa; 12 ang referral for assessment; 5 sa renewal ng National Certificate (NC) at Certificate of Competency (COC) at isa para sa Certification of Authentication (CAV).
Sa mga nasilbihang kliyente/OFWs, 854 ang kababaihan at 624 naman ang kalalakihan.
Ang top 5 skills training preferences ng mga OFWs ay mula sa sector ng Tourism, General Infrastructure, Land Transportation, Metals and Engineering at Information and Communication Technology.
Ang iba pa ay Automotive, Health Care Services, Heating, Ventilation, Airconditioning and Refregeration (HVAC), Language and Culture, Processed Food and Beverages at Semi-Conductor and Electronics.)
Ang mga humihingi ng skills training ay kanilang inire-refer sa TESDA region na sumasakop sa kung saan nakatira ang umuwing OFW.
Sila ay pagkakalooban ng Certificate of Scholarship Commitment kung saan sasanayin sila sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) at Special Training for Employment Program (STEP). Ang mga scholarship benefits sa ilalim ng TWSP ay libreng skills training at assessment habang sa STEP, libreng skills training, assessment, entrepreneurship training, starter toolkits at allowance.
Share this page