October 14, 2018
Pinarangalan ng TESDA ang isang lisensyadong guro at nurse bilang “Outstanding TVET Trainer” sa ginanap na 2018 Tagsanay Award.
Si Christopher E. Olipas ng OLM Institute and Skills Training Center for Allied Courses, Inc. sa Bulacan, Region-III ang nanguna sa listahan ng awardees sa 2018 Tagsanay Award na taunang ipinagkakaloob ng TESDA para sa mga trainers na nagpakita ng kapuri-puring pagganap nang pagsasanay o pagtuturo sa technical vocational education and training (TVET).
Si Olipas ay isang guro at nurse, at may master’s degree sa Nursing at doctoral degree sa Educational Management ay 10-taon ng accredited technical vocational (tech-voc) trainer at assessor.
Si Melea H. Gonzales, ng Region lll-Tarlac, instructor mula sa Tarlac School of Arts and Trade, Inc.(TSATI) ang 1st runner up at si Ariel D. Ronato, ng Teamskills School for Culinary and Hospitality Management (TSCHM) sa Region Vll-Negros Oriental ang 2nd runner-up.
Ang tatlo na mga awardees ay kasama sa napiling Top 8 trainers na kinabibilangan din nina Rizalie C. Salvacion ng The Rizal Memorial Colleges, Inc., (TRMCI), Region Xl-Davao del Sur; Edgar Q. Manato ng Lupon School of Fisheries (LSF) sa Region Xl-Davao Oriental; George B. Raciles ng Divine World College of Laoag, Inc. (DWCLI) sa Region I-Ilocos Norte; Maribeth A. Fuerzas ng Dipolog School of Fisheries (DSF) sa Region lX-Zamboanga del Norte; at Susana E. Tandoc, ng Maxima Technical and Skills Training Institute, Inc. (MTSTII) sa Region l-Pangasinan.
Maliban sa Outstanding TVET Trainer award, tumanggap din ng special award si Olipas bilang Best in Activity-Based Assessment.
Si Gonzales ay binigyan naman ng dalawang special award bilang Best in Panel Interview at Best in Innovative Training Induction Program; Ronato, Best in Porfolio; Manto, Best in Written Examination; at Fuerzas, Best in Conducting Interview.
Ang napiling Outstanding TVET Trainer ay pinagkalooban ng Php 25,000 cash price; 1st runner-up, Php 20,000; Php 15,000 para sa 2nd runner-up; at Php 5,000 naman para bawat kasama sa Top 8. Sila ay tumanggap din ng trophy at plaque .
Ang TESDA Tagsanay Award ay taunang ipinagkakaloob ng TESDA bilang pagkilala at insentibo sa mga trainers mula sa private at public technical vocational institutions (TVIs) at TESDA Technology Institutions (TTIs) na nilampasan o nahigitan ang itinakdang requirements para sa TVET trainers at nagpakita ng kakayahan na higit sa inaasahan.
Ang Tagsanay Award ay ipinalit sa dating “Kalinga Sa Tagsanay” partikular ang Lakan-Ilaw Awards category, na ipinutupad mula 2011 at 2013 subalit kabilang lamang ang mga trainers mula TESDA Technology Institutions.
Ang nasabing award category ay nagsimula noong 2015, sa hangarin ng TESDA na bigyan nang pagkilala ang kahalagahan at kontribusyon ng mga trainers ng TVIs sa buong bansa.
Share this page