October 7, 2018
Libre na ang technical vocational education and training (TVET) programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lahat ng mga state-run technical-vocational Institutions o STVIs.
Ang STVIs ay kinabibilangan ng mga state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs), TESDA Technology Institutions (TTIs), at LGU-run training centers na nag-aalok ng mga training programs sa ilalim ng TESDA Unified TVET Program Registration and Accreditation System (UTPRAS).
Ayon kay TESDA Director General/Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong, aprubado at inilabas na ng ahensya ang Implementing Guidelines sa pagpapatupad ng Free TVET sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) sa mga STVIs.
Ang Republic Act No. 10931 o kilala rin bilang UAQTEA, ay naglalayon na magbigay ng libreng tuition at iba pang school fees sa mga SUCs, LUCs at STVIs, magtatag ng Tertiary Education Subsidy and Student Loan Program (SLP), patatagin ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) at paglaan ng pondo para dito. Ang nasabing batas ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong April 3, 2017 na epektibong ipapatupad sa academic year 2018-2019.
Sinabi ni Mamondiong na ang pondo na gagamitin para dito ay magmumula sa Commission on Higher Education - Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (CHED-UniFAST) na ipagkakaloob ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang budget na inilaan ng CHED-UniFAST sa TESDA para sa academic year 2018-2019 ay Php 6.9 bilyon at ang hindi magagamit na pondo o spillover budget ay gagamitin hanggang September 2019.
Layunin ng UAQTEA na maglaan ng sapat na pondo at iba pang mekanismo upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga mamayan mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay na maka-avail ng tertiary education; mabigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng mga Filipino sa quality tertiary education kapwa sa pribado at public education institutions; at bigyan ng prayoridad ang mga mag-aaral na technically-able at mula sa mahihirap na pamilya.
Layunin din ng UAQTEA ang tiyaking magagamit ng tama ang pondo ng gobyerno para sa edukasyon; at pagkakaloob ng tamang guidance at insentibo bilang pagsuporta sa mga kabataan sa napili nilang propesyon tungo sa tamang development at paggamit ng human resources.
Ayon kay Mamondiong, ang programa ay bukas sa lahat ng mga Filipino, kaya ang sinumang gustong mag-avail ay maaring magtungo lamang sa mga kalapit na STVIs na may TVET programs na rehistrado sa TESDA.
Sakop ng UAQTEA ang mga TESDA-registered TVET programs na nakalista sa TESDA Compendium magmula noong Hulyo 2017.
Awtomatikong makaka-avail ng Free TVET ang lahat ng mga mag-aaral na Filipino na kasalukuyan nang naka-enroll sa panahon na epektibong ipinatupad ang nasabing batas o para sa mga magpapa-enrol pa lamang, basta nakasunod sila sa admission at retention policies ng STVIs.
Bibigyan ng prayoridad ang mga mag-aaral na mula sa updated na Listahan (National Household Targeting System for Poverty Reduction), ang mga pinakamahirap, ulila, dependents ng mga informal settlers, rebel returnees/dating mga rebelde, rehabilitated drug dependents at kanilang pamilya, Indigenous Peoples (IPs), Persons with Disabilities (PWDs), construction workers, internally displaced population (IDPs o bakwit), dependents ng AFP/PNP Personnel Killed-In-Action (KIA) o Wounded-In-Action (WIA), at mga pinauwing mga OFWs at kanilang pamilya.
Kabilang sa mga requirements para matanggap sa nasabing Free TVET ay nakatapos ng 10 years basic education at iba pang entry requirement na nakasaad sa umiiral na TESDA Training Regulations, NCAE/MATB/YP4SC Profiling at iba pang STVI entry requirements.
Ang mga hindi naman eligible para pagkalooban ng Free TVET benefits ay ang mga learners na mayroon ng bachelor’s degree; learners na holder na ng certificate o diploma para sa isang technical-vocational course na katumbas sa National Certificate Level lll pataas, maliban lamang kung ang trainee ay naka-enroll sa bundled courses o programa na Level lV o Diploma; learners na naka-enroll sa TVET programs na hindi rehistrado sa ilalim ng TESDA; at yaong mga nagboluntaryo na mag “opt out” sa Free TVET provision.
Ang mga learners na hindi eligible na kumuha ng Free TVET benefits ay pagbabayarin para sa training at iba pang training-related cost na kikilalanin ng TESDA Board (na ipo-post sa TESDA website kasama ang FREE TVET Registry ng quality-assured training programs per region).
Ang mga benepisyong matatanggap ay ang mga sumusunod: living allowance (P160/day), instructional materials allowance (P5,000/qualification), National Competency Assessment, starter toolkit at accident insurance.
Ang mag-aaral na nagboluntaryo na mag ‘opt out’ sa Free TVET provision at Voluntary Contribution Mechanism ay magbabayad sa enrollment ng training program at siya ay lalagda at magsusumite ng Waiver Form sa STVI kung saan sila naka-enroll.
Nilinaw naman ni TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong na ang nasabing programa ay hindi pa bukas sa mga katuwang na private technical vocational institutes at maari itong bubuksan sa susunod na school year.
Share this page