September 6, 2018
Davao City, Davao – Hinamon ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General at Secretary Guiling “Gene” Mamondiong ang may 200 trainers mula Marawi City at Lanao del Sur na magparami sa pamamagitan nang pagsasanay ng 3,000 iba pang trainers, na sila naman ang magsasanay sa mga manggagawa sa mga kinakailangang kasanayan, hindi lamang para sa pagbangon ng ekonomiya sa Marawi City at Lanao del Sur, kundi na rin upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Sa kanyang pagdalo sa pagtatapos ng Multiplier Trainer’s Training Program on Agri-based Product Skills Livelihood ng TESDA na idinaos sa Korea-Philippines Vocational Training Center sa Davao City, sinabi ni Mamondiong na ang 200 trainers ay makakatulong upang mapasigla at mapaunlad ang ekonomiya ng Muslim Mindanao.
“President Rodrigo Roa Duterte has started the road to long-lasting, sustainable, and just peace by signing into law the Bangsa Moro Organic Law. We, at the TESDA, are embarking on an economic revolution to sustain that peace, and that could be achieved if you, our trainers, will provide our people with the necessary skills, not only for rebuilding Marawi, but also to reduce poverty and pursue economic growth in the city and Lanao del Sur,” pahayag ni Mamondiong sa harap ng mga trainers.
Bilang suporta sa Bangon Marawi, ang inter-agency economic rebuilding program ng gobyerno para sa nasirang siyudad ng Lanao del Sur, sinabi ni Mamondiong na ang TESDA ay nagdaos ng Multiplier Trainers’ Training Program on Agri-based Product Skills para madagdagan ang kaalaman ng 200 trainers na kinabibilangan ng mga katutubo, internally-displaced persons, rebel returnees at iba pang mahihirap na mamamayan ng Marawi City at lalawigan ng Lanao del Sur na ang mga aktibidades ay naglalayong madagdagan ang kanilang kaalaman hinggil sa mga agriculture-related occupations, tulad ng horticulture, crops production, poultry at small ruminants growing, food processing at mga tourism-related activities.
Ang trainers’ skills training program ay tumagal ng apat na araw. Ang 200 participants ay nagsagawa ng field visits at nakinig sa mga lecture-demonstrations sa Ateneo de Davao University’s Shoe Academy sa Ma-a (agriculture and footwear and leather goods production); Wangan National Agricultural School, Brgy. Wangan, Calinan District, Davao City; at ACES Polytechnic College, Panabo City (organic agriculture production, animal growing, at horticulture.
Sa pagtatapos ng training, binisita din ng mga trainers ang Korea-Philippines Vocational Training Center (food processing, agri-machinery, other industrial trades) at ang Lupon School of Fisheries sa Lupon, Davao Oriental (agri-crops production, animal growing, food processing, at mga tourism-related activities).
Hinamon at hinimok ni Sec. Mamondiong ang mga trainers na gamitin ang kanilang bagong mga natutunan na kasanayan upang magsanay ng ibang trainers at iba pang manggagawa, internally-displaced persons, rebel returnees at iba pang mahihirap na mamayan at tumulong sa gobyerno sa paglutas ng kahirapan at pagkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at pagpapaunlad ng ekonomiya sa Muslim Mindanao.
Ayon kay Mamondiong, mag-oorganisa rin ang TESDA nang katulad na programa para sa mga lalawigan ng Maguindanao, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Share this page