04 September 2018
Pinangungunahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong ang pagbubukas ng ika-4 na High Officials Meeting (HOM) on Southeast Asia (SEA) Technical Vocational Education and Training (TVET) na ginaganap sa bansa sa loob ng dalawang araw simula September 4-5 taong kasalukuyan.
Ayon kay Mamondiong ang pagpupulong ay dinadaluhan ng 180 kalahok na kinabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaan na namamahala ng TVET sa 11 Southeast Asian countries kagaya ng Ministries of Education, Ministries of Labour and Training, Ministries of Science and Technology, Ministries of Higher Education, mga development agencies at iba pang mga katuwang sa labas ng rehiyon.
Katuwang ng TESDA sa pag-oorganisa ng 4th HOM on SEA-TVET ay ang Department of Education (DepEd), at ang Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) at mga centers na kabilang nito kagaya ng SEAMEO Voc-Tech Regional Center, SEAMEO-Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) at SEAMEO Regional Center for Educational Innovation and Technology (Innotech).
Ang 11 SEA countries ay ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, Timor Leste at Vietnam.
Ang 4th HOM on SEA-TVET na may temang “Moving Together Towards TVET 4.0” ay ginaganap sa Philippine International Convention Center (PICC).
Ipinaliwanag ng TESDA chief na ito ay isang annual regional forum ng mga TVET policy makers ng Southeast Asian countries upang talakayin at tukuyin ang magiging regional policy directions tungo sa pagpapaunlad ng TVET sa rehiyon.
Ayon kay Secretary Mamondiong, ang 4th HOM on SEA-TVET ay nakatuon sa pagtalakay ng mga inisyatibo sa rehiyon, polisiya at TVET education components gaya ng curriculum at pamamaraan ng pagtuturo (pedagogies), at TVET personnel na ang adhikain ay mapabilis at maipatupad ang sistema ng TVET sa Southeast Asian countries bilang paghahanda sa Industry 4.0.
Kasama sa mga layunin ng pagpupulong ay pag-usapan ang kasalukuyang kalagayan ng pagtutulungan ng TVET sa panahong 2017-2018 at kilalanin ang mga stratehiya upang mapaunlad ang regional cooperation para sa rehiyon; at pagtalakay at pagplano ng national at regional TVET initiatives na magpapaunlad sa pagtugon ng mga miyembrong bansa sa mga pagbabago dulot ng Industry 4.0 at maitaas ang kalidad ng TVET kaugnay dito.
Ang kauna-unahang HOM on SEA-TVET ay ginanap noong Agosto 23-26, 2015 sa Bangkok, Thailand. Ang 2nd HOM on SEA-TVET noong Mayo 12-14, 2016 sa Bali, Indonesia. Ang 3rd HOM on SEA-TVET noong Mayo 23-25, 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa tatlong pagpupulong na ito, tinalakay ang mga paghahanda o pagtugon sa ASEAN integration, ang pagkilos ng mga skilled workers sa loob ng rehiyon, at pangangailangan na mapaunlad pa ang kalidad ng TVET sa Southeast Asia.
Layunin din sa mga pagpupulong na ito na pag-aralan pa ang mga regional policy directions na magsusulong sa harmonization at internationalization ng mga TVET institutions sa SEA region at iba pa.
Simula nang magdaos ng kauna-unahang HOM on SEA-TVET noong 2015, iba’t ibang bagong national at regional initiatives sa TVET ang nilikha at magkaisang binuo sa pagitan ng mga bansa sa SEA at mga development agencies.
Kasama sa mga hangarin ay mapataas ang kalidad ng TVET, isulong ang partnership ng mga TVET institutions, palawakin ang pakikilahok ng mga industriya, mas pagalingin pa ang kakayahan ng TVET personnel, at isulong ang malayang pagkilos ng mga skilled workers, mga guro at estudyante sa rehiyon.
Iba’t ibang aktibidades na rin ang inorganisa sa lahat ng iba’t-ibang antas ng TVET personnel tulad ng policy makers, TVET school/ college leaders, researchers, teachers at estudyante.
Sa 4th HOM on SEA-TVET, inaasahang dito ay makabuo ng regional policy recommendations ang TVET High Officials ng Southeast Asian countries; pag-aapruba ng mga regional initiatives na ieendorso sa Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) High Officials Meeting sa Nobyembre 2018, at ng SEAMEO Council Conference, na ang host ay ang Department of Education ng Pilipinas sa 2019.
Kasama rin sa mga lumalahok ay ang mga kinatawan ng mga katuwang na bansa tulad ng United Kingdom, Germany, Japan, at iba pa.
Gayundin, ang mga kinatawan ng mga katuwang na development agencies tulad ng ASEAN Secretariat, Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ), United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), German Academic Exchange Service (DAAD), Regional Association for Vocational and Technical Education in East and Southeast Asia (RAVTE), Asian Development Bank (ADB), at iba pa.
Share this page