August 7, 2018
Pormal na inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang World Café of Opportunities (WCO) through Job Linkaging and Networking Services (JoLiNS).
Ito ay bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-24th TESDA Anniversary at selebrasyon ng National Tech-Voc Day sa darating na Agosto 25, 2018.
Ang launching ceremony ay ginanap sa Tandang Sora Hall, TESDA Women’s Center nitong Agosto 7, 2018 kasabay ang paglalagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng TESDA sa pangunguna ni Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong at 19 opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at private organizations na nagkaisa na magtulungan sa pagpapatupad ng WCO. Sa nasabing bilang, 13 ang government agencies at 6 ang private organizations.
Ang aktibidad ay bilang preparasyon rin para sa sabay-sabay na pagdaraos ng 2-day regional WCO sa Agosto 25-26, 2018 sa 17 rehiyon ng bansa kaugnay sa pagdiriwang ng National Tech-Voc Day.
Sinabi ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong na ang WCO through JoLiNS ay isa sa mga stratehiya para matulungan ang mga Technical Vocational Education and Training (TVET) graduates/alumni, upang madali silang makakuha ng trabaho, kapwa sa wage employment at self-employment.
Ito ay magsisilbing ‘one-stop shop’, sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, pribadong mga kompanya, tech-voc institutions at financing institutions upang magdaos ng job fairs para sa mga iaalok na mga trabaho, trainings at financing opportunities at maayos na job-skills matching sa mga TVET graduates at iba pang gustong mag-avail sa nasabing mga serbisyo.
Ang 13 government agencies na signatory sa MOU ay ang Cooperative Development Authority (CDA), Department of Agriculture (DA), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Public Works and Highways (DPWH) , Department of Science and Technology (DOST), Department of Tourism (DOT), Department of Trade and Industries (DTI), Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP) Office of the Cabinet Secretary (OCS), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Overseas Employment and Administration (POEA).
Habang ang anim na mga private associations/organizations ay kinabibilangan ng Federation of the Philippine Industries (FPI), Hotel and Restaurant Association of the Philippines (HRAP), Philippine Constructors Association (PCA), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Technical Vocational Schools and Associations of the Philippines (TEVSAPHIL), at Tech-Voc Schools Association (TVSA).
Ipinaliwanag ni Mamondiong na polisiya ng gobyerno ay iparating sa WCO thru JoLiNS ang kinilalang mga key employment generators (KEGs) na lilikha at magbubukas ng maraming trabaho sa iba’t ibang sector particular sa konstruksiyon bilang suporta sa Build Build Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Mamondiong, mahalaga ang pagtutulungan ng mga government agencies, industry associations, enterprises at financial institutions upang higit na mapalakas ang mga proyekto na magpapataas sa employment rate at mababawasan ang kahirapan sa bansa.
Ito‘y pagsuporta sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng maraming trabaho at isulong ang entrepreneurship mula sa grassroot level, kaya kailangan ang pagsasanib puwersa ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa mga resources at pasilidad upang lumikha ng maraming trabaho, magtatag ng mga livelihood projects, lutasin ang job-skills mismatch at mapataas ang actual employment rate sa bansa.
Kaugnay sa gaganaping National Tech-Voc Day, magkakaroon ng sabay-sabay na pagdaraos ng National TVET Enrolment Day at World Café of Opportunities thru JoLiNS sa 17 rehiyon ng bansa.
Sa TVET enrollment, inaasahan na mabibigyan ng TESDA training programs ang may 17,000 kabataan, at sa WCO, 17,000 TVET alumni ang mabibigyan ng trabaho mula sa may 17,000 employment opportunities.
Tampok din sa pagdiriwang ang taunang pagkakaloob ng Kabalikat Awards, TESDA Idol, Tagasanay Award at TESDA Employees and Loyalty Awards.
Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 7, 2018 ang Republic Act No. 10970 bilang batas na nagdedeklara sa Agosto 25 tuwing taon bilang National Technical-Vocational (Tech-Voc) Day sa bansa matapos pagtibayin ng Senado at Kamara ang mga panukalang batas ukol dito.
Share this page