August 1, 2018
Umaabot na sa 5,015 internally-displaced persons (IDPs) o bakwit mula sa naganap na kaguluhan sa Marawi City ang napagkalooban ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng skills at livelihood training program.
Sa nasabing bilang, 2,360 ang technical vocational education and training (TVET) graduates sa iba’t ibang kurso sa kontruksiyon na makakatulong sa isasagawang rehabilitasyon sa Marawi City.
Ito ay ipinarating ng mga opisyal ng TESDA Provincial Offices (POs) ng Lanao del Sur at Lanao del Norte kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong nang dumalo ito sa idinaos na ‘TVET Graduates Summit’ sa Mindanao State University sa Marawi City nitong nakaraang July 15, 2018.
Ang summit ay inorganisa ng mga opisyal ng TESDA Provincial Offices (POs) Lanao del Norte at Lanao del Sur katuwang ang tatlong TESDA Technology Institutes (TTIs) sa Lanao del Norte at ang Provincial/City Manpower Development Center (PCMDC) ng Lanao del Sur at mga Technical-Vocational Institutions (TVIs) ng Lanao del Sur, Lanao del Norte at Misamis Oriental.
Ito ay upang ipunin at ipakita na handang-handa na ang TESDA partikular ang mga TVET graduates na mga bakwit sa Marawi siege na sinanay ng mga TTIs, TVIs at PCMDC sa iba’t ibang qualifications sa construction sector.
Kung matatandaan, matapos na pumutok ang kaguluhan sa Marawi City, agad na kumilos ang TESDA upang tulungan ang mga apektadong mga mamayan na nagsilikas sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng iba’t ibang skills at livelihood programs na makakatulong upang sila ay magkaroon ng trabaho at pagkakakitaan.
Ang graduates summit na binubuo ng mga trainees mula sa iba’t ibang qualifications, na ang karamihan ay ang nasa construction sector, ay iniharap sa Task Force Bangon Marawi (TFBM) na kinakatawan ni Asst. Secretary Felix Castro.
Ang ibang graduates kumuha ng kurso sa ilalim ng sector ng agriculture and fishery, electronics, garment, health, social and other community development services, tourism, at marami pang iba.
Ang may 2,360 graduates ay nagpahayag umano ng kanilang kagustuhan at kahandaan upang tumulong sa konstruksyon at rehabilitasyon sa Marawi City na nasira sa naganap na limang buwang kaguluhan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at taga-suporta ng Islamic States (IS) na nagsimula noong May 23 at nagwakas Oktubre 23, 2017.
Ang mga bakwit sa Marawi siege ay sinanay sa iba’t ibang scholarship program ng TESDA gaya ng Massive Skills Training Program (MSTP) , Training for Work Scholarship Program (TWSP) at Special Training for Employment Program (STEP).
Sa kabuuang bilang ng nagtapos ng kasanayan sa construction sector, 1,155 ang nagtapos sa ilalim ng STEP mula 2017 hanggang 2018 na kinabibilangan ng 128 graduates ng Carpentry ; Electrical Installation & Maintenance NC ll, 330; Masonry NC l, 58; Perform Multiple Plumbing, 95; Pipefitting, 65; Tile Setting, 100; at Shielded Metal Arc Welding NC l, 155.
Umaabot naman sa 215 ang mga nagtapos sa ilalim ng TWSP nitong 2018: Heavy Equipment Operator (Forklift) NC ll, 40; Heavy Equipment Operator (Dumptruck) NC ll,15; Pipefitting 35; Shielded Metal Arc Welding, 95, Technical Drafting, 15; at Electrical Installation & Maintenance NC ll, 15.
Samantala, 990 naman ang nagtapos sa ilalim ng MSTP: Carpentry NC ll,75; Electrical Installation & Maintenance NC ll, 300; Heavy Equipment Operator (Dumptruck) NC ll, 40; Masonry NC l,50; Pipefitting,75; Plaster Concrete/Masonry Surface (Leading to Masonry NC ll), 200; at Shielded Metal Arc Welding NC l, 250.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Mamondiong sa naging resulta sa pagsasanay sa mga bakwit dahil malaking tulong ito ng ahensya sa pagsisimula ng rehabilitation program ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City.
Share this page