July 30, 2018
Nagsanib-puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Philippine Constructors Association (PCA), Inc. para magsanay ng 2,000 construction supervisors sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program bilang suporta sa Build, Build, Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pagtutulungan ay nakapaloob sa memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan nina TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong at PCA President Engr. Mariano S. Agoncillo. Ang paglalagda ay ginanap sa tanggapan ng TESDA chief sa Central Office ng ahensya sa Taguig City nitong ika 20 ng Hulyo.
Ayon kay Mamondiong, ang kasunduan ay bahagi nang pagtutulungan ng TESDA at PCA upang isulong ang Build Build Build Program ng kasalukuyang administrasyon at pagtatag ng Public-Private Partnership para suportahan ang limitadong resources ng gobyerno at pagbabahaginan ng kadalubhasaan sa paghahatid ng serbisyo sa publiko tungo sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
Aniya, maglalaan ang TESDA ng pondo sa ilalim ng TWSP bilang suporta sa construction supervisor development program habang tutulong ang PCA para mapaunlad ang kakayahan at kapasidad ng mga construction supervisors sa nasabing industriya.
Ipinaliwanag ng opisyal, na ang pangunahing layunin ng partnership ay upang bumuo ng grupo ng mga kwalipikado, globally competitive, at job-ready construction supervisors at assistant construction supervisors na kakailanganin ng mga construction industry.
Alinsunod sa MOA, ang PCA ay magbibigay ng paunang bilang ng mga construction supervisor at assistant construction supervisors na sasailalim sa on-the-job training at pondong gagamitin para sa training program.
Sa panig ng TESDA, maglalaan ito ng P30 milyon para sa paunang pagpapatupad ng programa para sa 2,000 construction supervisors na sasanayin ng mga training providers na may TESDA registered programs kaugnay sa construction sector na kasama sa aprubadong Qualification Map. Ngayong taon, 150 construction supervisors ang sasanayin.
Tiniyak ni Mamondiong na ang pagpapalabas ng pondo ay alinsunod sa Ominibus Guidelines for 2018 TWSP at Special Training for Employment (STEP) na nakapaloob sa TESDA Circular No.3 series of 2018 na ipinalabas n noong Enero 25, 2018.
Upang matiyak na mapanatili ang partnership at tuloy-tuloy na pag-develop ng mga highly trained construction supervisors, ang PCA at TESDA ay kukuha ng ibang training centers sa ilalim ng ‘quality-assured systems on program registration’ ng TESDA.
Nagpagkasunduan din na 70% sa mga graduates ay mabigyan ng trabaho sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon mula nang magtapos ang mga scholars.
Ang mga saksi sa paglalagda ay sina Rosanna A. Urdaneta, Deputy Director General for Policies and Planning ng TESDA at Ibarra G. Paulino, executive director ng PCA.
Ang training program para sa mga construction supervisors ay binuo ng PCA natapos nilang makipagpulong kay Mamodiong at tinalakay nila ang kinakailangang suporta sa Build, Build Build Program ni Duterte noong nakalipas na taon.
Matatandaan na noong June 2017, inihayag ng National Economic Development Authority (NEDA) Board Committee on Infrastructure (INFRACOM) at Investment Coordination Committee (ICC) ang 75 infrastructure projects bilang flagship project ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ay mangangailangan ng mahigit 200,000 trabahador na kinabibilangan ng mga skilled workers/laborers kung saan kailangan ang tulong ng TESDA.
Bilang tugon sa BBB Program, ang ahensya ay magpapatupad ng Train to Build Build Build Project sa pamamagitan ng Construction cum Training model at iba pang special training arrangements sa construction industry.
Share this page