July 1, 2018
Inanyayahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong ang mga tambay na magtungo sa pinakamalapit TESDA office upang makapag-avail ng libreng skills training.
Aniya, dapat ipagbawal na sa buong bansa ang tamad, kaya makakabuti sa ating mga mamayan na walang ginagawa na matuto ng bagong mga kakayahan sa TESDA dahil libre naman ang pag-aaral dito.
Kailangan lamang umano na magtungo sa pinakamalapit na mga TESDA accredited training centers, magtanong kung ano ang mga bukas na kurso na kanilang inaalok at mag-aplay ng libreng training.
“Halina sa TESDA at magsanay para makapagtrabaho at makapagnegosyo,” paanyaya ni Mamondiong.
Ang paanyaya ng TESDA chief ay bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kontra sa mga nagkalat na tambay na naghahasik ng kaguhuluhan at nag-iinuman sa lansangan.
Nauna rito, iniutos ni Duterte sa mga pulis na arestuhin ang mga mga tambay na nag-iinuman sa lansangan o iyong mga tambay na gumagawa ng krimen tulad pandurukot, panghoholdap at pang-i-snatch.
Aniya, sa halip na magsayang ng oras at maging tambay sa mga kalye o sa bahay , mas makakabuti umano na mag-enrol na lamang sila sa TESDA para magsanay at matuto sa gustong kurso na magagamit sa paghahanapbuhay , makatulong sa pamilya at maging isang produktibong mamayan.
Ipinaliwanag ng opisyal na maraming scholarship programs na inaalok ang TESDA na pwedeng pagpipilian ng bawat Pinoy para magsanay na magagamit nila sa paghahanap buhay upang umasensyo gaya ng Private Education Financial Assistance (PESFA), Training for Work Scholarship Program (TWSP), at Special Training for Employment Program (STEP) at Free TVET sa ilalim ng R.A 10931.
Aniya, may tatlong pamamaraan upang mag-aplay ng scholarship programs ng ahensya, ito ay sa pamamagitan ng Walk-In Scholarship Application, On-Line Scholarship Application at Barangay-based Scholarship Application.
Ayon kay Mamondiong, ang TESDA ay mayroong mahigit 200 qualifications o promulgated training programs na maari nilang pagpipilian mula sa iba’t ibang industry sector tulad ng kontruksiyon, automotive and land transportation, agrikultura, information and communication technology, tourism and restaurant, processed food & beverages, garments, metals and engineering, health social and community services at marami pang iba. Sa ngayon ang TESDA ay mayroong 3,962 private at public technical vocational education and training (TVET) centers na may 15,229 registered TVET programs.
Samantala, kasalukuyan din aniyang nangangailangan ang gobyerno ng mahigit 300,000 construction workers sa buong bansa upang maisakatuparan ang Build Build Build Infrastructure Program ni Pangulong Rodrigo para sa 75 infrastructure projects na mga flagship projects ng kasalukuyang administration.
Maganda umanong samantalahin ito ng mga Pilipino na walang trabaho sa pamamagitan ng pag-enroll sa iba’t ibang construction related training programs gaya ng Electrical Installation and Maintenance NC ll, Sheilded Metal Arc Welding (SMAW) NC ll, Carpentry NC ll, Electrical Installation and Maintenance NC lll, Gas Metal Arc Welding (GMAW) NC ll, Plumbing NC ll, Masonry NC ll, Technical Drafting NC ll, Gas Tungsten Arc Welding (GTAW) NCll at heavy equipment operation.
Share this page