June 13, 2018
Handang-handa na ang may 1,753 accredited assessment centers ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagbibigay ng libreng 2 araw na nationalassessment sa darating na June 26-27, 2018 sa lahat ng accredited assessment centers sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” Mamodiong, sa kasalukuyan ay abalang-abala na ang mga Regional/Provincial Offices (ROs/POs) sa pagpapatupad ng iba’t ibang action plans upang matiyak na magiging matagumpay ang idaraos na 2-day National Assessment Day (NAD).
Kabilang dito ang pagpapakalat ng mga impormasyon sa pamamagitan ng press release, radio guesting, social media posting; pakikipagkoordinasyon sa mga accredited assessment centers at accredited competency assessors; at patuloy na pagtanggap ng mga aplikasyon.
Kasama din ang pagsabit ng mga tarpaulins, pakikipag-ugnayan sa mga LGUs, ahensya/kompanya; paghahanda at pagsusumite ng qualification maps (QMs) sa RO/PO; at marami pang iba.
Ayon sa opisyal, may 7,083 competency assessors ang nakahandang mag-a-assess para sa tinatayang 11,240 TVET graduates at mga manggagawa gaya ng mga industrial worker, career shifter, unemployed adult, guro, trainer at iba pang indibidwal na sumailalim sa pagsasanay sa Trainers Methodology (TM) l at sa mga interesadong maging certified TVET Trainers o TESDA Accredited Assessors, na inaasahang dadagsa sa iba’t ibang TESDA accredited assessment centers sa buong Pilipinas.
Aniya, target ng TESDA ay makapag-assess at makapag-certify sa unang araw ng 5,513, habang 5,620 sa pangalawang araw o kabuuang bilang na 11,240 sa loob ng dalawang araw.
Sinabi ni Mamodiong na ayon sa tala ng TESDA, kasalukuyang mayroong 1,753 accredited assessment centers sa buong bansa at 8,481 registered qualifications na bukas para sa assessment.
Ang TESDA ay naglaan ng P11,240,000.00 para sa 2-araw na gaganaping NAD.
Ang programa ay pagsuporta sa Build, Build, Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan bibigyan ng prayoridad ang mga qualifications sa ilalim ng Construction sector, pero bukas din ito sa mahigit 200 qualifications o kurso na iniaalok ng TESDA sa ilalim ng sektor ng agri-fishery, information and communication technology (ICT), health, social and other community services, tourism, automotive at marami pang iba.
Ang registration ay nagsimula nitong Mayo 21 hanggang Hunyo 15 na isinasagawa sa lahat ng mga accredited assessment centers pati nadin sa TESDA regional at provincial/district offices sa pakikipagtulungan sa mga kompanya at industriya, LGUs, national government agencies, national government at iba pang TVET stakeholders.
Ang mga aplikante ay maaring kumuha at mag-download ng Application Form at Self-Assessment Guide (SAG) sa https://qoo.ql/sluc7c at http://www.tesda.gov.ph/Download/Self_Assessment?Searchcat=Self-Assessment+Guides. Ang nasabing mga dokumento ay maari ring makuha sa mga Provincial Offices (POs) at accredited assessment centers para sa mga walk-in at mga interesadong aplikante.
Ang application form, SAG, 3 passport size pictures, colored, na may puting background na may nakasulat na pangalan sa likod (Mugshot para sa NCR), at iba pang requirements, ay maaring isumite ng mga candidate-applicant sa mga accredited assessment centers at TESDA ROs o POs na pinakamalapit sa kanilang lugar.
Muling nanawagan si Mamodiong sa mga TVET graduates at sa mga mangagawa na samantalahin ang 2-araw na libreng assessment at certification.
Share this page