May 17, 2018
Ilulunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang paggamit ng R290 Hydrocarbon bilang alternatibong refrigerant sa mga Split-Type Air-Conditioning Systems na malaking tulong sa pandaigdigang kampanya kontra global warming.
Ang paglulunsad ay gaganapin sa Green Technology Center sa TESDA Complex, East Service Road, South Superhighway, Taguig City sa darating na Mayo 17, 2018 ganap na alas-9:00 umaga.
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong, ipapakilala ng TESDA ang R290 Hydrocarbon bilang alternatibong refrigerant sa Split-Type Airconditioning Systems bilang pakikipagtulungan nito sa proyektong “Cool Contribution fighting Climate Change (C4) Project” isang pandaigdigang proyekto na ipinatutupad ng Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH ng Germany bilang kinatawan ng International Climate Initiative of the German Federal Ministry for the Environment, Nature Conservation and Nuclear Safety (BMU-IKI).
Ang GIZ ay magtu-turnover ng 9 hydrocarbon (R290) split air-conditioning units at workshop equipments na gagamitin para sa demonstration at training programs para sa tama at ligtas na pagkabit, paggamit, pagserbisyo at pagmintina ng mga nasabing alternatives. Ito ay susundan ng public consultation session sa hapon.
Ang C4 project ay naglalayon na isulong ang international control ng mga climate-damaging fluorinated greenhouse gases (F-gas) tulad ng hydroflourocarbons (HFCs) na karaniwang ginagamit bilang refrigerants sa refrigeration at air conditioning (RAC).
Ipinaliwanag ni Mamodiong na isang Green technical and vocational education and training (TVET) (Green TVET) forum ang isinagawa kamakailan para sa planong gumamit ng green technology ang ahensya sa pagtuturo at pagsasanay sa mga technical-vocational (tech-voc) scholars para sa suportahan ang adhikain ng gobyerno para makatulong ang ahensya sa pangangalaga ng kalikasan.
Aniya, ang R290 Hydrocarbon, bilang alternative refrigerants ay makakatulong sa RAC Sector upang makamit ang mga layunin ng international protocols at environmental agreements, tulad ng Kyoto Protocol (1997), Montreal Protocol (2007), Paris Agreement (2015), at Kigali Agreement (2016) para mapangalagaan ang kapaligiran.
Sinabi ni Mamondiong na ang pagtuturo ukol sa hydrocarbons ay isasama sa curriculum ng RAC Sector para sa environmental-friendly technology alinsunod sa mga international environmental agreements.
Upang matiyak na ligtas ang hydrocarbon, lumagda sa isang kasunduan ang TESDA at GIZ na nilagdaan nina Mamondiong, NITESD Executive Director, Elmer K. Talavera; GIZ Programme Manager , Beranard Siegele; at GIZ C4 Project Manager, Philipp Munzinger para sa pagdaraos ng 5-day demonstration-workshop and training of trainers (TOT) para sa RAC service trainers/technicians.
Sa Pilipinas ang proyekto ay nakikipagkoordinasyon sa Climate Change Commission ukol sa Nationally Determined Contributions (NDC), Department of of Environment and Natural Resources (DENR) para sa refrigerants, Department of Energy (DOE) upang ma-improve ang energy performance ng climate-friendly alternatives at Department of Trade and Industry (DTI) para sa ligtas na pagpapakilala sa nasabing mga alternatives.
Ang C4 project ay ipinatutupad sa anim na ka-partner na bansa: Cuba, Grenada, Costa Rica, Iran, Vietnam at Pilipinas bilang suporta sa kanilang commitments sa Paris Agreement.
Ang proyekto ay pinonduhan ng Federal Ministry for the Environment, Nature Conservation, Building and Nuclear Safety of the Federal Republic of Germany na iprinesenta sa pamamagitan ng Deutsche Gesellschaft fur Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH bilang implementing agency.
Share this page