May 6, 2018
Magsasanib puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at International Labour Organization (ILO) para palakasin ang kasanayan ng mga kababaihan sa larangan ng Science, Technology, Engineering at Mathematics (STEM), partikular sa animation, game at software development.
Kaugnay nito, ilulunsad ng ILO ang Women in STEM Workforce Readiness and Development Program upang matugunan ang problema ng mga kababaihan kung bakit kakaunti lamang ang interesado na pasukin ang industriyang ito, partikular sa larangan ng information technology (IT).
Anila, sa Pilipinas, kaunti lamang ang mga babae na nagkakagusto na kumuha ng mga kurso sa information technology dahil sa mga “cultural biases” tungkol sa ‘career opportunities’ sa nasabing larangan. Bunsod nito, napapakawalan nila ang magandang pagkakataon na makapagtrabaho sa hanay ng information technology, kung saan malaki ang kanilang potensyal na magtagumpay .
Sa ilalim ng programang ito, plano ng ILO na pasimulan ang ‘school-to-work- program para sa may 200 female students sa larangan ng IT, partikular sa animation, game at software development, upang mahimok at maihanda ang maraming mga kababaihan at kabataang babae na kumuha ng IT courses.
Ang programang ito ay naglalayon na bigyan ang mga kababaihan ng demand-led technical STEM-related skills and employability na may kasamang enterprise-level leadership training para matulungan sila na labanan ang kanilang takot na pasukin, manatili at umunlad sa mga STEM industries gaya ng Information-Business Process Management (IT-BPM).
Ang TESDA bilang central technical skills provider ng bansa, ay nakahandang suportahan ang ILO sa pamamagitan ng scholarship vouchers para sa paunang pagsasanay sa may 125 kababaihan sa animation, game development at software programming sa Human Resource Development Institute (HRDI) (50 trainees) at sa ilang piling private sector training providers (75 trainees).
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong, sa kasalukuyan ay nangangalap na ang Human Resource Development Institute (HRDI) ng mga babaeng enrolees na interesadong sumailalim sa pagsasanay sa dalawang programa o kurso na inaaalok ng ahensya, ang animation at game development.
Ayon kay Mamondiong, ang programa ay nakatakdang magsimula sa darating na Hunyo taong kasalukuyan, kaya nanawagan ito sa mga interesadong kababaihan na magpatala na sa HRDI.
Para sa mga interesado at karagdagang impormasyon sa programa, maaring magtungo sa tanggapan ng HRDI sa Philippine-Korea Friendship Center sa Bayani Road, The Fort, Taguig City o tumawag sa tel. # 63(2)8439510/0918-217-8647.
Dagdag pa ng TESDA Chief na Layon ng ahensya na pasiglahin ang interes at sanayin ang nabanggit na bilang ng mga kababaihan sa mga trabaho na may kinalaman sa STEM-related areas at para matiyak na magbiyan sila ng tamang pagsasanay at matulungan na makapasok ng trabaho sa mga kompanya na nangangailangan ng mga skilled workers sa nasabing larangan.
Tiniyak ng ILO na magkakaloob sila ng soft skills training support, mentoring at career talks para sa mga kababaihang trainees para matulungan silang makapasok ng trabaho matapos ang pagsasanay
Ang TESDA HRDI ay itinatag noong 2014 katuwang ang Korean Government sa pamamagitan ng KOICA upang maging sentro sa pagpapahusay sa mga TVET sa digital arts at automation para paunlarin ang kasanayan ng mga trainers at industry workers sa bansa.
Layunin nito na e-develop ang mga kuwalipikadong mga TVET trainers at industry workers para mapataas ang antas ng kanilang kuwalipikasyon upang matiyak ang tuluy-tuloy na paghahatid ng mga ‘quality-assured competency-based technical vocational education ‘ at pagsasanay sa bansa.
Kabilang sa mga kursong ibinukas ang electrical installation and maintenance; 3D animation, game development, mechatronics servicing; basic Korean language and culture.
Share this page