May 2, 2018
Higit pang pinalakas ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kampanya nito sa graft and corruption sa pamamagitan ng ipatutupad na binuong Agency “Efficiency and Integrity Development Plan” (EIDP) sa paghahatid ng mga programa at serbisyo ng ahensiya.
Ito ay kasunod na aprubahan ni TESDA Director General, Sec. Guiling “Gene” A. Mamondiong ang EIDP na ipatutupad sa kasalukuyang administrasyon.
Ang programang ito ay bilang suporta ng ahensya sa anti-graft and corruption program ni Pangulong Rodrigo ‘Digong” Duterte.
Ipinaliwanag ng TESDA Chief na ang layunin at adhikain na isulong ang transparency at patuloy na pagpapaunlad sa lahat ng mga transaksyon at trabaho; palakasin ang pananagutan ng lahat ng mga opisyal at empleyado sa loob ng departamento at mga ahensya nito, panatilihin ang kultura sa pagkilala sa rule of law; at ang pakikipag-partner sa mga stakeholders sa pagpapaunlad ng government system ng ahensya.
“Efficiency and integrity development strategies shall be implemented in all offices and shall cover all its officials and employees. Regional, Provincial and District Offices, however, are not precluded from coming up with additional programs and projects provided that these are consistent with the goals and objectives of the Agency,” ani Mamondiong.
Upang gawing transparent ang mga transaksyon sa TESDA, patuloy na ipo-post sa TESDA Website ang annual net worth ng lahat ng mga opisyal na nasa director level na ibabase sa mga isusumite na Statement of Assets and Liabilities (SALN), status ng mga kaso at reklamong administratibo, management action sa mga Commission on Audit (COA) Audit Reports, annual procurement, bids opportunities and awards, mga programa at mga proyekto.
Sa pagpapalakas naman sa pananagutan ng mga opisyal at empleyado ng TESDA, magsagawa ng periodic internal audit at sisiguraduhin na matutupad ang mga alituntunin at regulasyon sa liquidation ng cash advance pati narin sa pagsunod sa Procurement Law o R.A. 9184.
Mahigpit ring ipatutupad ang pagsunod sa TESDA Code of Conduct, at pagdaraos ng mga moral at character development activities upang matiyak ang magandang kultura, makabagong mga ideya at integridad sa mga TESDA officials at mga empleyado.
Nais ni Mamondiong, na makakasama at makakalahok ang mga mamayan sa pagbuo ng mga mekanismo sa pag-promote ng good governance kaya makikipag-ugnayan ang ahensya sa iba’t ibang non-governmental organizations (NGOs), civil society groups at religious organizations tulad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Ang binuong National Efficiency and Integrity Board (EIB) ang magsisilbing monitoring at oversight body sa Regional EIB na may kapangyarihan na magrekomenda na rebyuhin ang mga sistema at procedures sa efficiency at integrity development plan sa buong bansa.
Ang trabaho naman ng Regional EIB ay tiyakin na ang mga aksyon ng EIDP ay naipapatupad na naayon sa kanilang office performance commitment reviews (OPCRs), magrebyu sa mga sistema at patakaran, pagmonitor at pagsumite ng report hinggil sa naipatupad na efficiency and integrity related committees.
Kung matatandaan na noong Oktubre 17, 2016 binuo ni Mamondiong ang TESDA Efficiency and Integrity Board (EIB) kung saan itinalagang chairman si Deputy Director General for Policies and Planning Rosanna A. Urdaneta.
Ang pangunahing trabaho nito ay pangunahan ang pagsusulong ng efficiency at integrity sa TESDA, pagbuo ng komprehensibong Efficiency and Integrity Development Plan na kasama dito ang anti-corruption measures.
Share this page