April 17, 2018
May 85 Technical Vocational Institutions (TVIs) sa buong bansa ang nasa ‘hot water’ matapos matuklasan na lumalabag at hindi sumusunod sa mga alituntunin at implementing guidelines ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagpapatupad ng mga scholarship programs ng ahensya.
Ito ay matapos na masilip sa mga isinagawang ‘spot inspection’ ng National Inspectorate for Scholarship Programs (NISP) ng TESDA ang nagaganap na katiwalian sa natuklasang rehistradong technical-vocational (tech-voc) courses at accredited training centers mula 2017 hanggang 2018 sa buong bansa.
Kaugnay nito, agad na iniutos ni TESDA Director General General Guiling “Gene” A. Mamondiong sa binuong validation committee na isailalim sa pinal na validation at mahigpit na pagsisiyasat ang 85 na TVIs upang maipatupad na ang karampatang aksyon laban sa mga ito sa lalong madaling panahon kasama na dito ang pagkansela ng kanilang TESDA registration.
“The Validation Committee is tasked to verify the findings of the National Inspectorate for the Scholarship (NISP) starting 16 April 2018 to 30 April 2018 and shall submit a report thereto with its recommendation on 07 May 2018,” ani Mamondiong.
Ang 5-man Validation Committee ay pinamumunuan ni Director Angelina M. Carreon, Director lll, Planning Office, bilang chairperson na siyang magsasagawa ng validation sa mga TVIs at TESDA Technical Institutions (TTIs) na nakitan ng paglabag sa TESDA rules and regulations kaugnay sa scholarship guidelines.
Inatasan din nito ang mga kinaukulang regional at provincial/district offices na magbigay ng buong suporta sa validation committee.
Sa isinumiteng ulat ni NISP Project Team na pinamumunuan ni Dir. John D. Simborios, sa nasabing bilang ng TVIs, 43 dito ang inirekomendang ipapasara at kakanselahin naman ang TESDA registration programs para sa 42.
Sa mga inirekomendang ipapasara, apat dito nasa National Capital Region (NCR); dalawa sa Cordillera Region (CAR); 21 sa Region 3; 12 sa Region lV-A; tatlo sa Region X; at isa sa Region 1.
Sa 42 na binigyan ng huling babala, isa sa NCR; dalawa sa CAR; apat Region l; dalawa sa Region ll; 11 sa Region lll na siyang may pinakamataas; pito sa Region lV-A; isa sa Region V at Vl; apat sa Region Vll; anim sa Region X; dalawa sa Region Xl ; at isa sa Region Xll.
Samantala, may 467 TVIs pa silang isasailalim sa ‘spot inspection’ upang malaman kung alin sa mga ito ang mga di sumusunod sa mga alituntunin ng scholarship ng ahensya. Target ng NISP hanggang April 30 para tapusin ang kanilang inspection.
Karamihan sa mga nakitang paglabag ng mga TVIs na hindi pa pinapangalanan ay ang hindi matagpuan sa mga ibinigay na address ng schools, nangongolekta ng pondo subalit lumilipat ng address at nagpapalit ng pangalan; walang mga estudyante; may isang taon ng sarado nang magsagawa ng pagbisita, walang natatagpuan ang school sa ibinigay na address pero nakikita sa ibang lugar at hindi na nag-e-exist.
Naniniwala si Simborios na mahalaga na mabantayan ang pondo na inilalaan ng gobyerno sa mga mamayan particular sa mga mahihirap sa pamamagitan ng TESDA scholarship grants para makapagtapos sila at makakuha ng maayos na trabaho.
Kung matatandaan, binuo ni Mamondiong noong Pebrero 1, 2017 ang NISP na naglalayon na bantayan at siguraduhin na ang pondo ng gobyerno para sa mga scholarship program na pinadadaan sa mga private vocational training centers ay maayos at tama na ipinatutupad batay sa mga patakaran at alituntunin ng TESDA.
Bukod pa dito, nagsagawa din ng Technical Audit ang ahensya mula 2016 hanggang sa taong kasalukuyan. Ayon sa resulta nitong Pebrero 2018, lumabas na 18,288 scholarship programs o kurso ang na-audit at 10,637 sa nasabing bilang ang sumusunod sa panuntunan ng TESDA, 572 ang hindi habang 773 naman ang isasara.
Noong Agosto 30, 2017 kasabay sa pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng TESDA, nagdeklara si Mamondiong na corruption at drug free ang ahensya sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang dumalo ang huli sa nasabing pagdiriwang.
Kung matatandaan noong 2016 ay inihayag ni Mamondiong na handa itong magbigay ng P50,000 pabuya sa sinumang magbibigay ng matibay na impormasyon kaugnay sa kumakalat na alingasngas sa katiwalian sa ahensya na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring lumalabas para magturo.
Kamakailan, binalaan ni Mamondiong ang mga TVIs na papatawan ng parusa at kanselahin ang mga nakarehistrong programa o kurso sakaling mapatunayang saangkot ang mga ito sa ‘hokus-pokus’ sa mga scholarship programs ng ahensya.
Share this page