April 15, 2018
Handang handa na ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Region 6 para pagkalooban ng tulong ang mga maapektuhang mga manggagawa at residente sa pagsasara ng Boracay Island sa Malay, Aklan sa loob ng anim na buwan simula sa darating na April 26 taong kasalukuyan.
Kasunod ito nang direktiba ni TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong sa mga opisyal at empleyado ng TESDA Provincial Office sa lalawigan ng Aklan na bumuo ng action plan para matulungan ang may 73,522 apektadong mga residente, kasama ang 17,326 registered employee at 11,000 unregistered workers sa pagsasara ng Boracay Island.
Sa panayam kay Joel M. Villagracia, TESDA Provincial Director ng Aklan, sinabi nito na nakanda na ang kanilang iba't ibang programa hinggil sa mga ipagkakaloob na skills training programs para sa mga maapektadong mga residente at manggagawa na aniya'y epektibong ipatupad kasabay sa pagsasara ng Boracay Island sa darating na Abril 26, 2018.
Sinabi ng opisyal na sa paunang programa, mag-aalok ang TESDA ng mga skills training sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) tulad ng agri-business, information technology-business process management (IT-BPM), semiconductors, electronics at sa Special Training for Employment Program (STEP) naman ay manicure, pedicure, pananahi, ,massage therapy at bread making para mabigyan agad ng pangkabuhayan ang mga maapektuhan.
"Nagsasagawa na kami ng inventory kung anong mga available qualifications na pwede naming iaalok, kung ilang slots pa ang available. Initially tinatarget namin na makapagsanay ng 2,000 applicants sa buwan ng April hanggang Hunyo,” ani Villagracia.
Kasabay nito nanawagan ang opisyal sa mga interesado na magpatala sa Boracay Holiday (sa Boracay Island), Malay mainland at sa tanggapan ng TESDA sa Kalibo
Matapos nito ay magsasagawa sila ng profiling sa listahan ng mga applicants upang malaman kung anu-anong pang mga programa ang gustong ia-avail ng mga apektado na maaring mangangailangan ng National Certification (NC).
Sa kanilang binuong Action Plan Save Boracay, ang unang round ng training ay magsisimula sa April 26 at magtatapos sa June 30, 2018
Kamalawa, April 14 ay magsisimula na ang kanilang dissemination o information drive sa mga apektadong mga residente at workers para sa mga programang iaalok at sa pagsisimula ng enrollment.
Para sa pangalawang yugto ng pagsasanay, ang enrollment ay magsisimula sa June 15,2018, magsisimula ang klase sa July 1 at magtatapos sa September 30 taong kasalukuyan.
Ayon kay Villagracia, ang mga mag-aavail, ay bibigyan ng allowance at toolkits.
Ang pagsasara sa Boracay Island ay iniutos ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte upang bigyan-daan ang isasakatuparang paglilinis at rehabilitasyon sa binasagang “island paradise” sa loob ng anim na buwan dahil sa upang lutasin ang lumalalang problema sa basura, mga iligal na imprastraktura at iba pang isyu sa kapaligiran.
Ayon kay Villagracia, ang katuwang ng TESDA sa pagpapatupad ng kanilang action plan ay ang Department of Interior and Local Government, Department of Trade (DTI), Philippine National Police (PNP), Local Government Units (LGUs) ng bayan ng Malay, Technical-Vocational Institurstitutions (TVIs) at Association TVET Schools in Aklan (ATSA).
Share this page