April 4, 2018
Dahil naging matagumpay ang idinaos na National TVET Enrollment Day and Jobs Bridging noong Pebrero 27-28, 2018, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay magdaraos ulit ng 2-Day Special National TVET Enrollment Day and Jobs Bridging for Construction and Information Technology–Business Process Management (IT-BPM) sa darating na April 5-6 taong kasalukuyan.
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong, ang idaraos na special TVET enrollment ay para lamang sa sektor ng konstruksiyon kung saan kailangan ang kanilang serbisyo para sa Build, Build, Build Progam ni Pangulong Rodrigo Duterte at IT-BPM, ang industriya kung saan kilala ang Pilipinas sa buong mundo.
Ipinaliwanag ni Mamondiong, na ito’y bilang paghahanda ng ahensya sa patuloy na tumataas na pangangailangan ng mga skilled labor sa konstruksyon at IT-BPM na ikinokoksiderang mga key employment generators (KEGs).
May kaugnayan din ito sa plano ng TESDA na magpatupad ng Train to Build Build Build Project bilang tugon sa Build, Build, Build Program na naglalayon na palawakin ang suporta ng TVET sa naturang programa.
Matatandaan na noong June 2017, tinukoy ng NEDA Board Committee on Infrastructure (INFRACOM) at Investment Coordination Committee (ICC) ang 75 infrastructure projects bilang flagship projects ng kasalukuyang administration. Ang NEDA Board na pinamumunuan mismo ng Pangulo, ay inaprubahan ang pagpapatupad ng 75 ‘high-impact Infrastructure Flagship Projects’, 53 dito ay nagkakahalaga ng P1, 579.18 bilyon.
Upang maitulak ang pagpapatupad ng mga proyektong ito, tinatayang 201,600 direct jobs ang kakailanganin at lilikhain. Ito ay kabibilangan ng mga skilled workers/laborers kung saan napakahalaga ang tulong ng TESDA patikular sa skills training/re-tooling ng mga manggagawa.
Sa talaan nang katatapos na TVET enrollment, umabot lamang sa 28,000 ang nagpatala para sa iba’t ibang kurso sa construction sector tulad ng carpentry, plumbing, masonry at iba pa.
Aniya, masyadong maliit ang 28,000 na nagpatala para sa iba’t ibang construction courses kung ikukumpara sa 100,000 contruction workers na kailangan sanayin ng TESDA para tumulong sa nasabing programa.
Kaya inanyayahan ni Mamondiong ang mga indigenous peoples (IPs), rebel returnees, at mga mahihirap na mga mamayan na lumahok sa nasabing libreng pagsasanay ng ahensiya.
Kasama rin sa mga inanyayahan ng opisyal para lumahok dito ay ang mga pinauwing mga overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at iba pang bansa para mag-aplay sa mga trabahong iaalok ng mga stakeholders at mga kompanya na katuwang ng ahensya.
Maari rin umano silang magpatala sa iba’t ibang technical vocational (tec-voc) courses para sa libreng pagsasanay, retraining o sa mga gustong magpa-upgrade ng kanilang skills upang makahanap ng panibagong trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya.
Sa gaganaping jobs fair, layunin din nito na muling mabigyan ng pagkakataon ang mga TVET graduates na makahanap ng trabaho mula sa mga iaalok na trabaho ng mga katuwang na mga industriya at kompanya ng TESDA.
Kabilang sa mga inanyayahan na mga government agencies at industry associations para sumali sa jobs bridging/fair upang matulungan mga TVET graduates para sa kanilang paghahanap ng trabaho ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Constructors Association (PCA), IT and Business Process Association of the Philippines (IT-BPAP).
Ang 2-Day Special National TVET Enrollment and Jobs bridging ay isasagawa sa mga TESDA Technology Institutions (TTIs) at opisina sa buong bansa.
Para sa mga interesado na may edad mula 15 pataas , magdala lamang ng 2 piraso ng colored 1x1 picture with white background, ball pen, valid ID at birth certificate.
Sa mga TVET graduates naman na gustong maghanap ng trabaho, magdala lamang ng biodata/resume at TVET certificate.
Share this page