March 21, 2018
Sa hangarin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na patuloy na matulungan ang mga umuwing overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at iba pang bansa, inanyayahan ni TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong ang mga ito na lumahok sa gaganaping 2-Day Special National TVET Enrolment Day and Jobs Bridging for Construction and Information Technology-Business Process Management (IT-BPM) sa darating na April 5-6, 2018.
Sa ipinalabas nitong memorandum, inanyayahan ni Mamondiong ang mga nawalan ng trabaho na mga OFWs na lumahok at mag-aplay sa mga iniaalok na trabaho ng mga ka-partner na kompanya at industriya sa idaraos na jobs fair saidaraos na Special National TVET Enrolment Day and Jobs Bridging for Construction and Information Technology-Business Process Management(IT-BPM).
Maari rin umano silang magpatala sa iba’t ibang technical vocational (tec-voc) courses para sa libreng pagsasanay, retraining o sa mga gustong magpa-upgrade ng kanilang skills upang makahanap sila ng panibagong trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya.
“In order to continually assist our returning OFWs from Kuwait and other countries through TESDA’s free training/retraining and/or skills upgrading programs, invitation must be extended to them during the Special National TVET Enrolment Day and Jobs Bridging for Construction and Information Technology-Business Process Management (IT-BPM) on April 5-6, 2018,” paanyaya ni Mamondiong na nakasaad sa ipinalabas nitong memorandum.
Nang pumutok ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa pagpapatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga OFWs sa bansang Kuwait agad na kumilos ang TESDA upang tulungan ang mga umuwing mga manggawang Pinoy mula sa nasabing bansa.
Inatasan ni Mamondiong ang lahat ng regional, provincial, district directors, TESDA Technology Institutions (TTIs) administrators ng ahensya na tulungan at bigyan ng kinakailangang libreng pagsasanay o retraining assistance ang mga umuwing Pinoys mula sa Kuwait na naninirahan sa lugar na kanilang kinasasakupan.
Ang total ban sa pagpapadala ng mga OFWs sa bansang Kuwait ay inutos ni Duterte bunsod sa pagpatay sa isang Pinay na kinilalang si Jhoanna Dimafelis kung saan ang bangkay nito ay natagpuan sa loob ng freezer sa isang bakanteng apartment sa nasabing bansa.
Kabilang sa mga inanyayahan na mga government agencies at industry associations para sumali sa jobs bridging/fair upang matulungan mga TVET graduates para sa kanilang paghahanap ng trabaho ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Constructors Association (PCA), IT at Business Process Association of the Philippines (IT-BPAP).
Ang 2-Day Special National TVET Enrolment and Jobs Fair ay isasagawa sa mga TESDA Technology Institutions (TTIs) at opisina sa buong bansa.
Share this page