March 18, 2018
Ikakasa muli ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang 2-Day National TVET Enrolment and Jobs Bridging upang mangalap ng dagdag na bagong scholars sa construction sector at information technology – business process management (IT-BPM) na tinaguriang mga key employment generators (KEGs).
Ang 2-Day Special National TVET Enrolment and Jobs Fair ay iniutos ni TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong na gaganapin sa darating na April 5-6, 2018 sa mga TESDA Technology Institutions (TTIs) at offices sa buong bansa .
Ang idaraos na special TVET enrolment ay para lamang sa sektor ng konstruksiyon kung saan kailangan ang kanilang serbisyo para sa Build, Build, Build Progam ni Pangulong Rodrigo Duterte at IT-BPM, isa sa mabilis na lumalago na industriya sa Pilipinas.
Gayunpaman, malugod namang inaayayahan ni Mamondiong ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho partikular mula sa Kuwait at iba pang panig ng Middle East na lumahok sa nasabing aktibidad.
Maari umano silang mag-aplay sa mga inaalok na trabaho ng mga ka-partner na kompanya at industriya sa jobs fair o maari silang magpatala sa iba’t ibang technical- vocational (tec-voc) courses para sa libreng pagsasanay o mag-upgrade ng kanilang skills.
Kabilang sa iimbitahan ay Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Constructors Association (PCA) at IT and Business Process Association of the Philippines (IT-BPAP)
Samantala, ipinaliwanag ng TESDA chief na ang kabiguan ng ahensya na makapangalap ng sapat na bilang ng mga nagparehistrong enrolees sa iba’t ibang kurso sa konstruksyon at IT-BPM sa nakaraang 2-Day National TVET Enrolment and Jobs Bridging nationwide noong Pebrero 27-28 taong kasalukuyan ang dahilan kung bakit muling naglunsad ng national TVET enrolment.
Layunin din nito na muling mabigyan ng pagkakataon ang mga TVET graduates na makahanap ng trabaho mula sa mga iaalok na trabaho ng mga ka-partner na mga industriya at kompanya ng TESDA sa gaganaping jobs fair.
Ani Mamondiong , ito’y bilang paghahanda ng ahensya sa patuloy na tumataas na pangangailangan ng mga skilled labor sa konstruksyon at IT-BPM na ikinokoksiderang mga KEGs.
Sa talaan nang katatapos na TVET enrolment, umabot lamang sa 28,000 ang nagpatala para sa iba’t ibang kurso sa construction sector; 17,000 sa Computer Systems Servicing NC ll at habang 8,499 naman para sa 46 kurso sa Information and Communication Technology (ICT) sector.
Ipinaliwanag ng opisyal na nais tutukan ng TESDA ang construction sector dahil kailangan ang kanilang serbisyo para maisakatuparan ang mga itinuturing na ‘ambitious projects ‘ ng Duterte administration tulad ng mga tulay, kalsada, gusali at iba pang mga imprastraktura na planong itatayo sa iba’t ibang panig ng bansa sa ilalim ng “Build, Build, Build’ program ni Pangulong Duterte.
Aniya , masyadong maliit ang 28,000 na nagpatala para sa iba’t ibang construction courses kung ikukumpara sa 100,000 contruction workers na kailangan sanayin ng TESDA para tumulong sa nasabing programa.
Posibleng isa umano sa mga dahilan ang mababang pasahod sa mga construction workers sa bansa, kaya hindi pumatok sa mga scholar applicants ang mga nasabing mga kurso.
Una nang sinabi ni Mamondiong na ang mga sasanaying mga contruction workers ay magmumula sa sector ng mga indigenous peoples (IPs), mahihirap at rebel returnees.
Samantala, nakaraang jobs bridging, ang may pinakamataas na bilang ng trabaho na inialok ng mga kalahok na kompanya at ahensya ay welder, 7,201; mason, 5,331; production operators, 5,010; scaffolder , 4,965; production operators , 4,285 at karpintero,1,550.
Kasabay sa gaganaping Special National TVET Enrolment Day and Jobs Bridging, ang TESDA ay mamahagi rin ng STEP Toolkits.
Share this page