March 9, 2018
Matagumpay ang isinagawang 2-araw na National TVET Enrolment and Jobs Bridging ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung saan umabot sa 192,654 ang nagpatalang mga enrolees para maging bagong scholars sa iba’t ibang technical vocational education and training (TVET) qualifications sa buong bansa.
Sa tala ng TESDA nitong Marso 7, may kabuuang 192,654 enrolees ang nagpatala sa mga iniaalok na technical vocational (tec-voc) courses para sa libreng pagsasanay.
Ang Region III ang nanguna sa may pinakamataas na bilang na nagpatalang mga enrolees, 27,248, sumunod ang ARMM, 22,324; Region XI, 18,732; Region V, 18,575; Region VI , 17,812; Region IV-A, 14,739; Region X, 12,434; Region XII, 10,602; NCR, 10,553; Region lX, 10,146; Region IV-B, 9,153; Region VII, 7,146; CAR, 4,029; CARAGA, 3,159; Region VIII, 2,589; Region ll, 2,475; ang may pinakamababang tala naman ay ang Region l , na may bilang na 938.
Samantala, ang top 5 sa mga kursong nais kunin ng mga enrolees ay ang Driving NC ll, Computer Systems Servicing NC ll, Bread and Pastry Production NC II, Cookery NC ll, at Dressmaking NC ll.
Nagpahayag ng kagalakan si TESDA Director General Guiling “Gene” A. Mamondiong sa tagumpay ng isinagawang 2-araw na National TVET Enrolment at Jobs Bridging nitong Pebrero 27-28, 2018 sa buong bansa dahil sa pagdagsa ng mga interesadong kumuha ng iba’t ibang skills na iniaalok ng ahensya at mga TVET graduates at iba pang job seekers na gustong makapagtrabaho na ang ilan pa nga ay mga dayuhan.
Samantala, sa jobs bridging, umaabot sa 2,906 job applicants ang natanggap “on the spot” mula sa 7,932 na nag-apply para sa may tinatayang mahigit 80,000 trabaho na inialok ng mga ka-partner na mga industriya at kompanya ng TESDA sa buong bansa.
Napag-alaman na 870 kompanya ang lumahok sa jobs fair at naglatag ng may tinatayang amhigit 80,000 trabaho kung saan 2,906 ang natanggap agad sa may kabuuang 7,932 aplikante. Ang iba naman ay nakatakda pang-interbyuhin ng mga kompanya na kanilang pinag-aplayan.
Upang maiwasan ang ‘job mismatch’ nanawagan si Secretary sa publiko na magsanay sa iba’t ibang kurso na iniaalok ng TESDA na naangkop sa kanilang skills upang madali silang makahanap agad ng trabaho.
“Sa mga panahon ngayon hindi na sapat ang may pinag-aralan lang, kailangan ay meron din tayong skills at karagdagang kaalaman para maiwasan na ang tinatawag na ‘job mismatch’ at makahanap tayo ng mas magandang trabaho para sa ating pamilya”, ani Mamondiong.
Ang programa ay naglalayon na paigtingin pa ang promosyon at adbokasiya ng iba’t ibang programa at serbisyo ng TESDA, mailapit ang mga programa ng ahensya sa mga kliyente nito sa buong bansa at pagkakaloob ng tulong sa mga TVET graduates na naghahanap ng trabaho.
Ang dalawang araw na aktibidad ay naging matagumpay sa tulong ng Local Government Units (LGUs), Regional Offices ng Department of Labor and Employment, at Public Employment Service Offices (PESO). Kasama rin sa mga nagbigay ng suporta ang mga Technical Vocational Institutions (TVIs) at mga kompanya tulad ng Jollibee Corporation, Toyota Motors Philippines, Ace Hardware at SM Supermarket.
Nauna rito, naging abala ang mga regional and provincial offices ng TESDA sa isinagawang paghahanda sa nasabing aktibidad sa pamamagitan nang pakikipag-ugnayan sa mga kalahok at aktibong pag-monitor sa bilang ng natulungang mga kliyente na isinagawa ng mga Regional and Provincial Offices ng nasabing ahensya.
Gumamit din sila ng mga online facilities, gaya ng Facebook Livestreaming upang ipakalat ang mga impormasyon at kaalaman tungkol sa aktibidad.
Share this page