March 5, 2018
Gagamit ng ‘green technology’ ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagtuturo at pagsasanay sa mga technical and vocational education and training (TVET) scholars na kukuha ng technical-vocational (tech-voc) courses bilang suporta sa adhikain ng gobyerno tungo sa ‘green economy’.
Bunsod nito, magdaraos ang TESDA ng 3-day Green TVET Forum and Strategic Planning on Greening the TVET system para sa pagbuo ng kinakailangang Training Regulations (TRs) para sa ipapatupad na skills training, program registration, at assessment and certification upang suportahan ang mga requirements para sa skilled manpower ng green economy.
Ang Green TVET Forum and Strategic Planning on Greening the TVET System ay gaganapin sa darating na Marso 6-8, 2018 sa Bayleaf Intramuros Hotel.
Ang registration ay magsisimula nang alas-8:00 ng umaga at ang aktuwal na programa ay magsisimula dakong alas-9:00 ng umaga sa pangunguna ni TESDA Director General Guiling ‘Gene’ Mamondiong.
Ayon kay Mamondiong, pangunahing adhikain ng programa ay maipatupad ang “greening” ng TVET system sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kalahok/stakeholder upang magkaroon sila ng mas malalim na pagpapahalaga kung ano talaga ang tunay na kahulugan at nararapat na skills ng greening sectors at sa buong ekonomiya gayundin ang kani-kanilang papel sa proseso.
Layunin din ng forum ang lumikha ng mga ‘inputs’ para sa pagbuo ng strategic plan sa “greening” ng TVET system”, kabilang ang operationalization ng Green Technology Center bilang Green Skills Hub ng TESDA kasama ang mga public at pribadong TVIs bilang mga taga-pagpatupad at partner sa Green TVET.
Ito ay pagtupad na rin sa napagkasunduan sa 3rd Cycle of the National Technical Education and Skills Development Plan (NTESDP) 2011-2016 ng TESDA, na kailangang mag-develop ng mga skills na hinihingi sa greening the jobs at pagpapatupad sa makatarungang pagbabago tungo sa green economy.
Dalawang hamon ang nakikita ng ahensya kaugnay sa pagpapatupad ng green skills: para gawing “green” ang mga existing jobs at magsanay ng bagong mga manggagawa na may appropriate green skills.
Samantala, magkakaroon ng “Green Techno Fair” na isasabay sa pagdaraos ng lahat ng aktibidad mula day 1 to 3 na lalahukan ng mga kompanya na gumagawa at nagsusuplay ng green technologies gaya ng solar panels, e-bikes/trikes, mga produkto at serbisyo.
Ang fair ay dadaluhan ng mga TVET trainers, assessors at mag-aaral.
Kasama rin sa imbitado na dumalo sa nasabing okasyon sina Senadora Loren B. Legarda at Congressman Karlo Alexei Nograles at mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ang programa ay suportado ng International Labor Organization (ILO) sa pamamagitan ng pilot application ng ILO policy guidelines on “Just Transition towards Environmentally Sustainable Economies and Societies for All”, na nagbibigay din ng suporta sa implementasyon ng Philippine Green Job Act.
Sa ilalim ng Green Job Act, ang TESDA ay naatasan kasama ang Department of Education (DepEd) at Commission on HigherEducation (CHED) upang e-green ang edukasyon at skills development system sa bansa.
Habang ang TESDA, kasama ang Department of Science and Technology (DOST) ay tutulong sa DOLE sa pag-analisa ng mga kinakailangang skills, training at re-training kaugnay sa paggamit ng green technology na may potential sa paglikha ng mga bagong trabaho at greener jobs.
Share this page