February 27, 2018
Mahigit sa 6,000 trabaho ang naghihintay para sa mga technical vocational education and training (TVET) graduates, jobseekers, career shifters maging sa mga displaced overseas Filipino workers (OFWs) para sa gaganaping National TVET Enrollment Day and Jobs Bridging ng Technical Education and Skills Development Authority – National Capital Region (TESDA-NCR) sa darating na Pebrero 28 taong kasalukuyan.
Ito ay batay sa listahan ng mga inaalok na trabaho ng mga kalahok na 70 industrial firms at kompanya na ka-partner ng TESDA sa gaganapin TVET enrollment at jobs bridging sa NCR.
Samantala, inaasahan na dadagsa ang may 3,000 TVET enrolees, graduates, jobseekers at OFWs mula sa anim na distrito ng TESDA-NCR na lalahok sa nasabing aktibidad.
Ang enrolment and jobs bridging sa NCR ay gaganapin sa TESDA Multi-Purpose Gym, TESDA Complex sa Taguig City kung saan isasabay din ang pamamahagi ng starter toolkits sa mga beneficiaries ng Special Training for Employment Program (STEP) noong 2017.
Ang programa ay magsisimula ng alas-9:00 ng umaga habang ang enrolment at job fair ay magsisimula ng ika-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ayon kay TESDA Director General Guiling “Gene” Mamondiong, pangunahing layunin ng programa ay palakasin pa ang adbokasiya ng iba’t ibang programa at serbisyo ng TESDA sa mga kliyente sa rehiyon lalo na mula sa mga grassroots o barangay levels para makinabang sa iba’t ibang scholarship program ng ahensiya.
Samantala, pagkakataon din ito para mabigyan ng oportunidad ang mga TVET graduates, iba pang jobseekers, career shifters at displaced OFWs na makahanap ng trabaho na iaalok ng mga kalahok na mga kompanya/industriya na ka-partner ng TESDA.
Ang TVET enrolment at jobs fair ay sabay-sabay ding isasagawa sa buong bansa sa sentro ng mga probinsya, munisipyo at distrito tulad ng mga kapitolyo, malls, LGUs sports complex, municipal/provincial stadium at iba pang itatakdang lugar na madaling puntahan ng publiko.
Bunsod nito, hinimok ni Secretary Mamondiong ang publiko na lumahok sa gaganaping national TVET enrolment and jobs bridging.
Para sa mga enrolees, magdala ng identification card gaya ng NSO Birth Certificate at 1x1 ID picture habang para sa mga job applicants kailangan magdala ng bio data at TESDA certificate.
Share this page