February 25, 2018
Mangangalap at magsasanay ng may 100,000 construction workers ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa buong bansa kaugnay sa “Build, Build, Build” program ni President Rodrigo Duterte.
Ang proyektong ito ay inilunsad ni TESDA Director General Guiling “Gene” Mamondiong sa idinaos na National Integration Scholarship Program (NISP) Forum sa Butuan City,
Ang mga sasanaying mga contruction workers ay magmumula sa grupo ng mga indigenous peoples (IPs), mahihirap at rebel returnees sa buong bansa.
Ayon kay TESDA chief, ang magsisipagtapos ay kukunin para tumulong sa pagpapatayo at pagpapagawa ng mga tulay, kalsada, gusali at iba pang mga infrastructure projets ng gobyerno.
Aniya, ang “ambitious bridge projects” ng Duterte administrasyon na mag-uugnay sa mga lalawigan ng Negros Oriental, Cebu, Bohol at Leyte ay kabilang sa Build, Build, Build program para gawin ang mga island provinces na madaling marating sa pamamagitan ng land travel.
“This is only an initial training for the Build, Build, Build alone”, paliwanag ni Mamondiong.
Ayon sa TESDA chief, ang mga infrastructure projects ng gobyerno ay makakatulong sa pagbibigay ng mga bagong trabaho para sa mga mamayan. Aniya, tatanggap sila ng mga aplikante para sanayin mula sa mga mahihirap na sector.
Ang Build, Build, Build infrastructure programs o tinatawag na “Dutertenomics” ay planong maglaan ng g $160 bilyon hanggang $180 bilyong pondo para sa sinasabing mga “ambitious projects” tulad ng Mega Manila Subway, complex road networks, long-spand bridges, flood control, urban water systems at marami pang iba na planong tapusin hanggang 2022.
Layunin nito na palakasin ang pagpapaunlad ng ekonomiya at paglikha ng may 12 milyon bagong trabaho sa ilalim ng Duterte administration.
Kaugnay nito, lahat ng 122 TESDA training centers ay bukas sa darating na Feb. 27-28, 2018 sa gaganaping National TVET Enrolment and Jobs Bridging para tumanggap ng mga aplikante na IPs, mahihirap at rebel returnees.
Ang mga opisyal ng mga barangay, munisipyo at city governments ay maaring magsumite ng kanilang listahan ng mga mahihirap, IPs at rebel returnees na interesidadong magsanay bilang construction workers sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang mag-evaluate kung talagang galing sila sa nasabing mga sekctor.
Share this page