February 18, 2018
Tutulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang lahat ng mga uuwing overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait sa pamamagitan ng iaalok na libreng pagsasanay sa iba’t ibang technical-vocational (Tech-Voc) courses ng ahensya.
Bunsod nito, inatasan ni TESDA Director General Guiling “Gene” Mamondiong ang lahat ng regional, provincial, district directors at TTI administrators ng ahensya na tulungan at bigyan ng kinakailangang pagsasanay o retraining assistance ang mga uuwing OFWs mula sa Kuwait na apektado nang naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na total ban sa pagpapadala ng mga OFWs sa nasabing bansa simula sa darating na Lunes.
Exempted lamang sa nasabing direktiba ng Pangulo, ang mga OFWs na nagbabakasyon sa Pilipinas at babalik din sa parehong employers para tapusin ang kanilang kontrata matapos ang kanyang bakasyon,;Balik Manggagawa workers na babalik sa Kuwait para sa bagong kontrata sa pareho ding employer; at mga seafarers na bibiyahe patungong Kuwait para sumama sa kanilang mga principals.
Ang aksyon ni Presidente Duterte ay resulta ng mga sunud-sunod na insidente ng pang-aabuso sa mga Pinoy workers na nauuwi sa kamatayan sa nasabing bansa.
Sa ipinalabas nitong Memorandum #61, binigyan-diin ni Mamondiong na kailangang i-prioritize ang nasabing mga OFWs sa iba’t ibang training programs na iniaalok ng TESDA Technology Institutions (TTIs).
Pinakilos din nito ang mga regional/provincial/district directors at TTIs na hanapin ang mga pinauwing mga manggagawa sa kani-kanilang mga lugar sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mabigyan sila ng karampatang tulong.
“The beneficiaries shall be entitled to the following: free training; free assessment; training support fund (TSF)” ani Mamondiong sa ipinalabas nitong memo.
Ang TSF ay para sa pagkain at transportasyon na nagkakahalaga ng P100 per training day.
Kaugnay nito, ang TESDA ay may nakalaang mga programa para matulungan ang mga displaced OFWs na kasama sa 17-Point Reform and Development Agenda ng TESDA sa ilalim ng Duterte administration.
Kabilang dito ang reintegration program for OFWs kung saan ang mga pinauwi, tinanggal sa trabaho o biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa ay sinasanay sa iba’t ibang skills maging ang kani-kanilang dependent upang matulungan silang makahanap ng trabaho o self-employment sa bansa.
Sa tala noong December 2017, umaabot na sa 2,216 OFWS at ang kanilang dependent ang natulungan na ng TESDA.
Share this page