February 13, 2018
Umapela si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Guiling “Gene” Mamondiong sa mga bansang kumukuha ng Pinoy partikular sa Middle East na proteksyunan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at respetuhin ang kanilang mga karapatan bilang tao at manggagawa.
Ang panawagan ay ginawa ni Mamondiong kasunod sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga Filipino workers sa Kuwait dahil sa mga natatanggap nitong mga ulat na maraming OFWS ang dumaranas ng pang-aabuso tulad ng panggagahasa, hindi pagbabayad ng sahod, pananakit, pagpatay at iba pang-aabuso.
Ang pinakahuling kaso ay ang pagpatay sa isang Pinay na kinilalang si Joanna Daniela Dimapilis kung saan ang bangkay nito ay natagpuan sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.
Bilang isang Muslim at pinuno ng TESDA, nanawagan si Mamondiong sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs na higpitan ang mga polisiya sa pagpapadala ng mga Pinoy workers sa Arab states.
Kailangan umanong sumailalim muna sa sapat na pagsasanay ang mga ipapadalang mga OFWs tungkol sa kanilang magiging trabaho gayundin sa lenguwahe at kultura sa bansa na kanilang pupuntahan.
Aniya, ang language training program ng TESDA ay nakapaloob sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) kung saan kabilang sa mga lengguwaheng itinuturo ay ang English, Japanese, Spanish, Mandarin (Chinese), Italian, Arabic at Korean (Hangul).
Layunin din ng programang ito na maintindihan ng mga OFWs ang lengguwahe at kultura ng kanilang pupuntahang bansa nang sa gayon ay madali silang magkaintindihan ng kanilang magiging employer at mailayo ang mga ito sa kapahamakan.
Bukod naman sa pagbibigay ng basic language and culture training, ang National Language Skills Institute (NLSI) ng TESDA ay nagsisilbi ring training venue ng Japanese Language Preparatory training para sa mga nurses at caregivers sa ilalim ng Philippine-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).
Plano rin ng TESDA na palawigin pa ang pagbibigay ng language training program sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba pang lengguwaheng ituturo tulad ng German, Russian, French, Bahasa, Vietnamese at Mandarin (Taiwan).
Nitong Biyernes, binigyan ni Duterte ng 72- oras ang mga OFWs sa Kuwait na bumalik ng bansa at hiniling sa mga nagbabakasyong OFWs mula sa nasabing bansa na huwag nang bumalik at maghanap na lang ng trabaho sa Pilipinas.
Samantala, ang TESDA may nakalaang mga programa para matulungan ang mga displaced OFWs na kasama sa 17-Point Reform and Development Agenda ng TESDA sa ilalim ng Duterte administration.
Kabilang ditto ang reintegration program for OFWs kung saan ang mga pinauwi, tinanggal sa trabaho o biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa ay sinasanay sa iba’t ibang skills maging ang kani-kanilang dependent upang matulungan silang makahanap ng trabaho o self-employment sa bansa.
Sa tala noong December 2017, umaabot na sa 2,216 OFWS at ang kanilang dependent ang natulungan ng TESDA.
Share this page