February 12, 2018
Ilalapit sa publiko ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pamamahagi ng scholarship grants para sa sinoman na gustong kumuha ng technical-vocational (tech-voc) at maging ang pagtulong sa mga TESDA graduates na nais makapagtrabaho.
Ito ay matapos dalhin ni TESDA Director General Guiling ‘Gene” Mamondiong sa mga probinsya, munisipyo at distrito ang paghahanap at pagpaparehistro ng mga bagong aplikante para sa TESDA scholarship programs at pagpapaigting sa pagtulong sa mga TVET graduates na naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng idaraos na 2-araw na National Technical and Vocational Education and Training (TVET) Enrolment and Jobs Bridging sa darating na Pebrero 27 at 28, taong kasalukuyan.
Ang gaganaping national TVET enrolment at jobs bridging ay sabay-sabay na isasagawa sa buong bansa sa sentro ng mga probinsya, munisipyo at distrito tulad ng mga kapitolyo, malls, LGUs sports complex, municipal/provincial stadium at iba pang itatakdang lugar na pagdarausan nito, na madaling puntahan ng publiko.
Ipinaliwanag ni Mamondiong na layunin ng TESDA na lalong ilapit at iparating sa tao ang iba’t ibang programa at serbisyo ng ahensya sa tulong ng mga lokal government units (LGUs) officials.
“This activity will be conducted in partnership with the Local Government Units (LGUs), Public Employment Service Office (PESO), Regional/Provincial Offices of the Department of Labor and Employment (DOLE), companies/industries, technical-vocational education institutions (TVIs) and othe stakeholders,” ani Mamondiong.
Ang enrolment ay bukas para sa mga Filipino na may edad 15 at pataas na interesado sa mga TVET programs para sa iba’t ibang technical-vocational (tech-voc) courses.
Ilan sa importanteng dadalhin ng mga bagong aplikante ay valid I.D. tulad ng NSO Birth Certificate at 1x1 picture, habang sa mga job applicants, TESDA certificate at bio data.
Kaugnay sa jobs bridging o job fair na isasabay sa gagawing enrolment, sinabi ni Mamondiong na ito naman ay bukas para sa lahat ng TESDA graduates na naghahanap ng trabaho.
Ito ay magsisilbing ‘social marketing’ and advocacy mechanism ng TVET at TESDA.
Kaugnay nito, binago ni Mamondiong ang paggawad ng mga TESDA scholarship program sa layuning tutukan at pahusayin pa ang kasanayan at kaalaman ng mga makukuhang bagong TVET scholars .
Ipinaliwanag ng opisyal na layunin nito na ihanda at iangkop ang kaalaman ng mga scholars sa hamon ng panibagong teknolohiya, pandaigdigang kumpetisyon at pagsunod sa mga panuntunan na inilalatag ng mga kliyente sa local at international na industriya para sa kanilang mga manggagawa.
Nagpalabas din si Mamondiong ng bagong alituntunin na susundin para sa sa pag-award ng scholarship grants sa ilalim ng 2018 Training for Work Scholarship Program ((TWSP) at Special Training for Employment Program (STEP) na itinakda sa TESDA Reform and Development Agenda.
Share this page