February 05, 2018
Pinarangalan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa naging mahalagang partisipasyon at tulong nito sa rehabilitasyon ng mga lugar sa Visayas Region matapos itong salantain ng bagyong Yolanda.
Kasama ang TESDA sa mga napisil para tumanggap ng “JICA President Award for the Project on Rehabilitation and Recovery from Typhoon Yolanda”.
“TESDA as one of JICA’s partners in the implementation of this project is deeply honored to be chosen as one of the recipients of this award along with other partners in our concerted efforts to rehabilitate those areas badly affected by typhoon Yolanda in 2013”, ani. Sec. Guiling “Gene” A. Mamondiong.
Ayon kay Mamondiong ang mga gawain ng JICA ay patuloy na nakakatulong sa socio-economic agenda ng Pilipinas para sa pangunahing layunin na mapaunlad ang buhay ng maraming mga Filipinos sa pamamagitan ng iba’t ibang Official Development Assistance (ODA) sa buong bansa.
Ang nasabing parangal ay ibinibigay sa mga ‘outstanding partners” ng JICA Overseas Offices sa mga proyekto na nagkaroon ng positibong resulta at direktang nakatulong sa publiko at kaunlaran ng lugar.
Umaasa ang JICA na sa pamamagitan ng parangal na ito ay higit pang mapaunlad ang bilateral ties ng Japan at Pilipinas at patuloy na tatag ang pagtutulungan ng dalawang bansa.
Kasunod na wasakin ng bagyong Yolanda ang Visayas Region noong 2013, ang TESDA ay isa sa mga tumulong sa mga sinalantang komunidad hindi lamang sa relief operations kundi sa rehabilitasyon sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga tao at pagbibigay ng mga kagamitan na makakatulong sa kanilang pagbangon.
Ayon sa ulat ng TESDA-Region Vlll, 18,616 Yolanda survivors ang nagtapos sa mga training programs ng ahensiya simula 2013 kung saan 11,615 ang natasa, 11,166 ang nasertipikahan at umaabot sa 17,093 ang nakapagtrabaho.
Kaugnay nito, nagbigay naman ang JICA ng dalawang gusali para sa TESDA Regional Office Vlll at Balangiga National Agricultural School (BNAS) sa Balangiga, Eastern Samar na may mga training tools at mga kagamitan.
Share this page