Jan. 22, 2018
Sasanayin ng TechnicalEducation and Skills Development Authority (TESDA) ang may 6,000 mga biktima ng human rights sa ilalim ng Marcos regime na kinilala ng Human Rights Victims Board (HRVCB) na mga eligible claimants ng Non-Monetary Reparation (NMR).
Nilinaw ni TESDA Director General Guiling ‘Gene’ A. Mamondiong na ang kanyang tanggapan, isa sa mga implementing partner ng HRVCB, ay hindi magbibigay ng tulong pinansyal sa mga human rights victims.
Sa halip, ang TESDA ay magkakaloob ng mga libreng pagsasanay na makakatulong sa mga miyembro at kanilang mga pamilya para mabigyan sila ng tsansa na makapagtrabaho upang kumita o self-employment.
“The eligible beneficiary may avail of the skills training or competency assessment and certification or entrepreneurship training. They may avail of multiple scholarship programs but not simultaneously”, ani Mamondiong.
Aniya ang mga beneficiaries ay maaring pumunta sa malapit na TESDA Office upang mag-avail sa nasabing training programs. Sila ay lalagda sa isang kasunduan para sa kanilang kahandaan na sumailalim sa programa at pumayag na bayaran ang halaga ng skills training sakaling hindi nito tatapusin.
Kung hindi na puwede ang isang nabubuhay na human rights victim, ang benepisyo ay maaring makuha ng isa sa mga kuwalipikado nitong dependent.
Sakaling makumpleto na ang pagsasanay, iindosro naman ng TESDA ang eligible graduate sa Public Service Employment Office (PSEO) ng Local Government Units para mabigyan sila ng trabaho.
Sinabi ni Mamondiong na kinikilala ng gobyerno ang mga kabayanihan at sakripisyo ng mga human rights victims noong panahon ng MartialLaw mula September 21, 1972 hanggang Pebrero 25, 1986.
Share this page