December 13, 2017
TESDA, kinondena ang pananambang sa isang director ng ahensya
Tahasang kinondena ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang tahasang pananambang sa provincial director nito sa Negros Occidental na nagresulta sa pagkabulag nito sa Talisay City noong nakaraang linggo.
Ayon kay Secretary Guiling Mamondiong, director general ng TESDA, dapat managot ang mga salarin sa pamamaril kay PD Julius Romero,na nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan at ulo.
"Ang buong komunidad ng TESDA ay hindi makakapayag sa mga ganitong karumal-dumal na krimen, kaya't nananawagan kami sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat sa nangyaring pananambang,"ani Mamondiong.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, papauwi na ang biktimang si Romero, 45-anyos mula sa tanggapan ng TESDA sa Negros Occidental nang ito ay harangin at pagbabarilin ng mga salarin sa Trangka Street, Barangay Zone 12,Talisay City.
Lumalabas sa pagsisiyasat na may ilang minuto na ring nag-aantay ang mga salarin sa biktima sa naturang lugar.
Si Romero ay kasalukuyan ngayong nagpapagaling sa Riverside Medical Center.
Ang biktima ay ilang linggo pa lamang naglilingkurang provincial director ng naturang lalawigan.
Share this page