November 24, 2017

 

Nais palakasin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang language and culture training program na ibinibigay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na layuning maging maalam ang mga ito sa lengguwahe at kultura ng kanilang pagtatrabahuhang bansa.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, sa kasalukuyan ay mayroong tatlumpu’t-anim (36) na TESDA Training Institutions (TTIs) sa buong bansa na nagbibigay ng language training.

Aniya, ang language training program ng TESDA ay nakapaloob sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) kung saan kabilang sa mga lengguwaheng itinuturo ay ang English, Japanese, Spanish, Mandarin (Chinese), Italian, Arabic at Korean (Hangul).

Sinabi pa ni Mamondiong na nagkaroon na rin ng Memorandum of Understanding (MOU) ang TESDA at ang Spanish Embassy and Instituto Cervantes de Manila (Spanish), Filipino Chinese Chamber of Commerce Incorporated (Chinese Mandarin), Italia Lavoro (Italian) at Korea International Cooperation Agency o KOICA sa pamamagitan ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency of PNVSCA (Hangul) para sa language training program.

Layunin din ng programang ito na maintindihan ng mga OFWs ang lengguwahe at kultura ng kanilang pupuntahang bansa nang sa gayon ay madali silang magkaintindihan ng kanilang magiging employer at mailayo ang mga ito sa kapahamakan.

Bukod naman sa pagbibigay ng basic language and culture training, ang National Language Skills Institute (NLSI) ng TESDA ay nagsisilbi ring training venue ng Japanese Language Preparatory training para sa mga nurses at caregivers sa ilalim ng Philippine-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).

Plano rin ng TESDA na palawigin pa ang pagbibigay ng language training program sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba pang lengguwaheng ituturo tulad ng German, Russian, French, Bahasa, Vietnamese at Mandarin (Taiwan).

Samantala, nakatakda namang ipagdiwang ng NLSI ang kanilang ika-sampung taong anibersaryo ng pagkakatatag sa darating na Nobyembre 24 kung saan ay planong imbitahan ang mga naging katuwang nito sa pagbibigay ng language training program.

Kasabay nito, magkakaroon din ng re-launching ang NLSI para sa kanilang language training program para sa kanilang planong “expansion programs” para sa basic language and culture training