November 8, 2017
Nagbabala si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa mga Technical Vocational Institutions (TVIs) na nakikipagsabwatan sa sindikato na nanghihingi ng porsiyento kapalit ng pagkakaroon ng slot para sa scholarship program ng ahensiya.
Ayon kay Mamondiong, posibleng masangkot sa anumang isasampang kaso na naayon sa batas ang TVIs na mahuhuling nakikipagsabwatan sa sindikato o kahit na sinong indibidwal na gustong dungisan ang scholarship program ng TESDA.
Aniya, nararapat lamang na matapos na ang dating kalakaran ng mga TVIs kung saan nagbibigay ang mga ito ng 30% na tinatawag na SOP (standard operating procedure) sa mga tinaguriang sindikato o “operator” sa tuwing mabibigyan sila ng scholarship slots mula sa TESDA.
Sinabi pa ng kalihim na may nakapagsumbong sa kanyang tanggapan na may nagaganap pa ring maling kalakaran sa pagbibigay ng scholarship slots sa mga TVIs kaya’t gumawa ito ng paraan upang matuldukan na ang ganitong sistema.
Upang mawakasan na ang ganitong kalakaran ay pinalakas ni Mamondiong ang “technical audit teams” na siyang nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga equipment at facilities ng mga TVIs habang pinalakas din ang proyektong Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan (BKKK) na sumusuyod sa bawat barangay sa buong bansa upang kumuha ng gagawing iskolar.
Aktibo na rin ang “inspectorate teams” na siyang umiikot sa mga TVIs sa buong bansa bukod pa sa pagkakaroon ng “Tendering System” kung saan ay nagsusumite ang mga training institutions ng “bids” para makakuha ng scholarship slots sa TESDA ngunit kinakailangang nakapasa ang mga ito sa technical audit ng ahensiya.
Nagbigay rin ng babala si Mamondiong sa mga indibidwal o grupo na gumagamit sa TESDA para sa kanilang pangsariling interes na tiyak na pananagutin sa batas sakaling mapatunayang gumagawa ang mga ito ng kalokohan sa ahensiya
Dagdag pa kalihim, hindi palulusutin ng kanyang administrasyon ang mga ganitong klaseng modus operandi dahil isa itong uri ng korapsiyon na naglalagay ng dungis sa kanyang pinamamahalaang ahensiya.
Umasa din si Mamondiong na makikipagtulungan ang lahat ng provincial at regional offices ng TESDA upang mahuli ang mga taong may kinalaman sa anomalyang ito at tuluyang mapanagot ang mga ito sa batas.
Share this page