October 20, 2017
Bagama’t labing-apat na taon na hindi nakasali sa World Skills Competition ang Pilipinas ay nakasungkit pa rin ng dalawang medallion of excellence ang kinatawan ng bansa sa katatapos na World Skills Abu Dhabi 2017.
Ayon kay Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, huling nakasali ang Pilipinas sa World Skills Competition noong 2003 na ginanap sa St. Gallen, Switzerland kung saan ay nakakuha ang kinatawan ng bansa ng isang diploma of excellence sa larangan ng Information Technology.
Sa katatapos na World Skills Competition na idinaos sa Abu Dhabi, naging kinatawan ng Pilipinas sina Joven Hayagan para sa IT Software Solution for Business at Jalanie Dimacaling sa larangan naman sa Web Design Development.
Naging maganda rin ang ranggo ng Pilipinas sa Average Point Score kung saan ay naging pang-pito ang bansa habang pang-labing-lima naman sa Average Medal Points kung saan ay 57 bansa ang lumahok sa World Skills Abu Dhabi 2017.
Napag-alaman na ang World Skills Competition ay ginaganap tuwing ikalawang taon at ang TESDA ang punong ahensiya na nangangasiwa sa pagsasanay at pumipili sa mga magiging kinatawan na isasali sa kompetisyon.
Ngayong taon, nanguna sa Average Point Score ang bansang Korea na sinundan ng China sumunod ang Switzerland, pang-apat ang France, pang-lima ang Chinese Taipei, pang-anim ang South Tyrol, Italy at sumunod ang Pilipinas.
Para naman sa Average Medal Points, nanguna ang China sumunod ang Switzerland; Korea; France; Brazil; Australia; Chinese Taipei; South Tyrol, Italy; Principality of Liechtenstein; Australia; Russia; Singapore; Japan; United Kingdom; Finland at ang Pilipinas.
Bago napili ng TESDA si Hayagan bilang kinatawan ng bansa sa World Skills Abu Dhabi 2017 ay nakapagbigay na ito ng karangalan sa Pilipinas kung saan ay naging gold medallist ito sa 1st China International Skills Competition 2017 (CISC2017), silver medallist sa 11th ASEAN Skills Competition sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2016 bukod pa sa mga nakuha nitong gold medals para sa Philippine National Skills Competition at Bicol Regional Skills Competition habang champion din ito sa Province-wide Computer Programming Challenge.
Samantala, si Dimacaling naman ay nakasungkit ng bronze medal sa CISC2017 para sa Web Design Development, bronze medal sa 11th ASEAN Skills Competition, gold medals sa Philippine National Skills Competition, Regional Skills Competition at Baguio and Benguet Skills Competition habang nakuha din nito sa katatapos na World Skills Competition ang Best of Nation Award.
Share this page