October 4, 2017
Lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Metro Manila Mayors’ Spouses Foundation, Inc. (MMMSFI) para sa Special Skills Training Program for Marginalized Workers.
 
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, layunin ng programang ito na makapagbigay ng libreng skills training, assessment at starter toolkits sa mga mapipiling benipisyaryo.
 
Aniya, kabilang sa mga magiging benipisyaryo ng programang ito ay ang mga urban poor, disadvantaged women, informal workers at iba pang marginalized workers na walang permanenteng trabaho at pinagkakakitaan.
 
Sa pamamagitan ng MOU, magkakatulungan ang TESDA at ang MMMSFI sa pagbibigay ng skills training sa mga marginalized workers sa Metro Manila nang sa gayon ay magkaroon ang mga ito ng kasanayan na kanilang magagamit para sa karagdagang kita.
 
Kasabay nito, ipinagkaloob din ni Mamondiong sa mga miyembro ng MMMSFI at kanilang mga representante ang certificate of commitment para sa mga mabibigyan ng scholarship ng TESDA at inaasahan na sisimulan ang kanilang skills training ngayong November.
 
Napag-alaman na ang MMMSFI ay samahan ng asawa ng mga alkalde sa Metro Manila ay kasalukuyang pinamumunuan ni Janet A. Olivarez ng Parañaque City na naglalayong matulungan ang kanilang mga kabiyak sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa kanilang mga nasasakupan.
 
Kabilang sa mga “qualifications” na maaaring pag-aralan ng mga benipisyaryo ay ang perform hair coloring/bleaching services (leading to hairdressing) NC II; perform hair cutting services (leading to hairdressing) NC II; perform facial treatment (leading to beauty care) NC II; perform foot spa (leading to beauty care) NC II; perform facial make-up (leading to beauty care) NC II at perform manicure and pedicure (leading to beauty care) NC II.
 
Aabot sa 2,244 slots ng scholarship ang ipagkakaloob ng TESDA sa marginalized workers sa buong Metro Manila habang magkakaroon din ng mobile training at institution-based training para sa mga benipisyaryo nang sa gayon ay hindi mahirapan ang mga ito na matapos ang kanilang mapipiling “qualifications” na kukunin.