August 31, 2017
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagdeklara ito ng corruption at drug free sa mismong presensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita nito sa tanggapan ng naturang ahensiya.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, ang pagdedeklara ng corruption at drug free sa kanyang pinamumunuang kagawaran ay isang paraan ng pagpapakita ng suporta sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa korapsiyon at iligal na droga.
“We want the president and the whole country to know that TESDA fully upholds this administration’s stance against drugs and corruption. We will not tolerate these cancers of society and will exert all efforts to help eradicate them,” sabi pa ni Mamondiong.
Bago ito, nagsagawa ng Trainees Day ang TESDA na dinaluhan ng 2,000 katao kabilang na dito ang mga trainees, empleyado at iba pang bisita kung saan ay nagkaroon ng exhibit tulad ng memorabilia report standees; cookery demonstration ni Chef Boy Logro, mobile training laboratory at heavy equipment simulator.
Sa pagdating ni Pangulong Duterte sa TESDA ay sinalubong ito ni Secretary Mamondiong, Secretary Silvestre Bello, III ng Department of Labor and Employment (DOLE), at Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr.
Matapos ito ay nagtungo si Duterte sa isinasagawang exhibit bago dumiretso para sa programang inilaan kabilang na dito ang pagdedeklara ng corruption at drug free TESDA na pinangunahan ni Mamondiong.
Nag-ulat naman ang kalihim kay Pangulong Duterte sa mga naging “accomplishment” nito sa TESDA simula ng maitalaga noong nakalipas na taon.
Nakibahagi din sa ginanap na pagdiriwang ang lahat ng Regional Directors, Provincial Directors ng TESDA at maging ang mga school at center administrators ng TESDA training institutions ay dumalo rin sa okasyon.
Naging makasaysayan ang pagtungo ni Duterte sa Central Office ng TESDA dahil ito ang unang pagbisita ng pangulo simula nang manungkulan ito bilang pinakamataas na pinuno ng bansa noong isang taon.
Share this page