August 23, 2017
Bibigyan ng pagkilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang mga natatanging empleyado na nagpakita ng galing sa pagbibigay ng serbisyo publiko kasabay sa isang linggong pagdiriwang ng ika-23 taong anibersaryo ng ahensiya.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, kabilang sa mga ibibigay na pagkilala sa mga empleyado ay ang Loyalty Award, Model Employees at Perfect Attendance Award.
Dalawampung (20) empleyado mula sa Central Office ng TESDA ang mabibigyan ng Loyalty Award na may sampung taon sa serbisyo, 15, 20, 25, 30 o higit pa habang sa Model Employees Award ay hahatiin naman sa apat na kategorya ito ay ang Category 1 (1st level employees with salary grade 1-12), Category 2 (2nd level employees-salary grade 13-23), Category 3 (salary grade 24) at Category 4 (3rd level employees-salary grade 25-27).
Bukod dito, magbibigay din ang TESDA ng labing-apat (14) na Kabalikat Awards sa iba’t-ibang kategorya tulad ng Industry Partner, Local Government Unit (LGU) Partner, Legislative Partner, Development Partner at National Government Agencies (NGA) na naging katuwang ng ahensiya sa pagbibigay ng serbisyo.
Magbibigay din ng Tagsanay Award para sa magagaling na trainers mula sa pribado at pampublikong Technical Vocational Institutions (TVIs) at TESDA Technology Institutions (TTIs) kung saan ay 29 sa mga ito ang maglalaban-laban.
Bibigyan naman ng pagkilala ng TESDA ang mga nagtapos ng Technical Vocational Education and Training (TVET) na nagpamalas ng husay sa kanilang napiling trabaho kabilang na dito ang mga kategorya ng Self-Employed Category (7 candidates), Wage-Employed Category (14 candidates) at Batang TESDA Award.
Ilulunsad naman ng TESDA ang Regional Performance Award sa tatlong mapipiling rehiyon habang ipagdiriwang din ang araw ng kapanganakan ng mga empleyado na ipinanganak sa buwan ng Hulyo at Agosto.
Samantala, hinikayat din ni Mamondiong ang taumbayan na kumuha ng skills training sa TESDA upang magkaroon ang mga ito ng kasanayan na kanilang magagamit sa pagtatrabaho sa loob at labas ng bansa.
“To all Filipinos, know that TESDA is here for you, since each citizen is entitled and duty bound to play his or her role for the betterment of the country. This is what we mean by TESDA being the “Susi sa Kinabukasan”, as on TVET and this agency rest the key to this nation’s future”, sabi pa ni Mamondiong.
Share this page